Pasasalamat

Tuwing nagtatapos ang taon, nakagawian na ng karamihan sa atin ang magbigay ng taos-pusong pasasalamat sa mga naging tapat na kaibigan natin, sa kasaganahan man o paghihirap.

Una sa lahat, sa lahat ng sumuporta sa programa naming The Basketball Show, mula sa aming napakasipag na staff at sa mga isponsor na walang-sawang tumulong sa aming pagtulong din sa komunidad ng basketbol sa ating bansa.

Pasasalamat sa mga coach at player ng RP Team sa Asian Games. Nalimutan na nating magpasalamat sa kanila. Huwag na nating isipin ang resulta. Tandaan na lamang natin na nagbuhos sila ng dugo, pawis at sakit ng katawan ng isang buong taon para lamang may representante tayo sa Busan. At anuman ang kinahinatnan nuon, pasalamatan natin sila.

Pasalamatan na rin natin ang mga ibang atletang nakipagsapalaran sa Korea. Alam nilang dehado sila.

Alam nilang lamang sa pagsasanay ang mga nakasagupa nila doon. Alam nilang malabong maabot nila ang buong yabang na ipinangako ng Philippine Olympic Committee at Philippine Sports Commission na pito o sampung gintong medalya. Sila pa itong hindi binibigyan ng sapat sa suporta, pero sila naman ang sangkalan pag di nakuha yung target.

Pasalamatan natin ang mga nagbigay ng pag-asa sa atin.

Mula kay Django Bustamante, Mikee Cojuangco-Jaworski, Ryan Gregorio, Ateneo de Manila Blue Eagles, UE Red Warriors, San Beda Red Cubs, San Sebastian Golden Stags, mga magigiting na referee at officials, salamat sa mga magagandang laro. Alam naming di sapat ito, pero salamat pa rin.

Sa mga kumalinga sa mga inulila ng MBA, salamat din.

Napakasaklap ng nangyari sa kanila, at ngayo'y nagtatago ang mga may kagagawan sa likod ng kanilang kayamanan at magagaling na abogado. Salamat na rin.

Alam naman nating hindi natutulog ang Diyos. Dadalawin din kayo ng kanyang hustisya, salamat.

Salamat din sa mga kongresistang nag-iimbestiga sa kapalpakan ng pamahalaan sa mga Fil-Am at sa Busan.

Panahon na talagang linisin ang sistema. At kung sinsero kayo sa gusto ninyong mangyari, mabuhay kayo, at maraming salamat.

At, higit sa lahat, salamat sa inyong mag tumangkilik sa sports sa taong ito, mula sa pinakamalaki hanggang sa pinakamaliit na laro na inyong pinanood at tinulungan sa pamamagitan ng inyong panahon at pagdalo. Maraming salamat po.

Nawa'y dumami pa kayo.

Show comments