Matapos maglaho ang kanilang naipundar na 20-puntos na kalamangan sa first half, 27-7 nanghina ang Tigers at hinayaan nilang makatabla ang Aces na siyang nagbunga ng overtime.
Alanganin pa sa panalo ang Tigers sa 61-60 patungo sa huling 43 segundo ng labanan matapos ang basket ni John Arigo na inireklamo ni coach Tim Cone hanggang sa matapos ang laro dahil binigyan lamang ito ng dalawang puntos imbes na tres.
Nabigong makapag-convert ang Coca-Cola sa kanilang sumunod na posesyon na nagbigay pa ng pag-asa sa Aces gayunpaman ay kumalog naman ang libreng triple ni Kenneth Duremdes patungo sa huling 4.7 segundo ng labanan.
Samantala, nasorpresa ang lahat nang tanghaling Most Valuable Player ang matinik na point guard ng Red Bull na si Willie Miller para sa 2002 season sa Annual Awards ng Philippine Basketball Association kahapon.
Tinalo ni Miller ang kanyang kasamahang si Davonn Harp, ang Best Player of the Conference ng Commissioners Cup sa taong ito, na siyang inaasahang manalo ng naturang karangalan.
Kasama ng 25-gulang na si Miller sa 1st Mythical Team sina off-guards Jeffrey Cariaso ng Coca-Cola, forwards Victor Pablo at Don Carlos Allado ng Alaska at ang sentrong si Harp, habang kabilang naman sa Mythical Selection sina point guard Gilbert Demape ng Talk N Text, off-guard Evangelista, forwards Nick Belasco ng San Miguel at Kerby Raymundo ng Purefoods at sentrong si Paul Asi Taulava ng Phone Pals.
Napili namang rookie of the Year ang pambato ng FedEx Express na si Renren Ritualo, Most Improve Player si Rob Duat ng Alaska at ang Sportsmanship award ay kay Paolo Mendoza ng Sta. Lucia Realty.
Kabilang naman sa All Defensive team sina center-forwards Rudy Hatfield ng Coca-Cola, Harp at Chris Jackson ng Shell at guards Cariaso at Evangelista. (Ulat ni Carmela Ochoa)