Nang tamaan si Johnny sa mukha ng di-sinasadyang siko ni Rob Duat ng Alaska Aces, walang mag-aakalang ganoon ka-grabe ang matatamo niyang pinsala. Sa katotohanan, kinaumagahan pa nadiskubreng basag sa tatlong lugar ang mukha ni Johnny: Sa ibabaw at ilalim ng mata, at sa pisngi mismo. Nagpapasukat pa sana siya ng maskara para makalaro sa Game 2.
Kinakailangang kabitan ng bakal ang mukha ni Johnny para hindi tuluyang lumubog ang kanyang mukha. Lalagyan ng tornilyo ang mga piraso ng bakal, at tutubo ang buto palibot sa mga tornilyong iyon. Habang-buhay na niyang dadalhin ito.
May kahawig na insidenteng naganap kay Hakeem Olajuwon nang minsa'y masiko siya ni Bill Cartwright. Mahigit isang buwang di nakapaglaro si Olajuwon dahil basag ang eye socket niya, at nangailangan niyang magsuot ng fiberglass mask para di ito matamaan uli. Di hamak na mas masama ang nangyari kay Abarrientos.
Kamalas-malasan na talaga ng inabot ni Abarrientos sa taong ito. Una, nasira ang tuhod niya. Pangalawa, kumalat ang tsismis na gumagamit siya ng bawal na gamot, kaya siya nangayayat. Pangatlo, napilitan siyang bumitaw sa RP Team sa di-malamang dahilan. At ngayon, ito.
Ayon kay Coca-Cola coach Chot Reyes, nang malaman ni Abarrientos na hindi na siya makakalaro, ang sabi niya'y "Pag minalas ka naman, o, daig mo pa ang sinusuwerte!"
Pero, sa tingin ko, marami pang biyayang darating para kay Johnny. Ito nga naman ang panahon ng mga milagro, hindi ba?
Habang binabasa ninyo ang artikulong ito, kasalukuyang pinag-aagawan ng Aces at Tigers ang Game Three ng kanilang best-of-five championship series na ang mananalo dito ang siyang lalapit sa titulo.
Maligayang pasko sa inyong lahat! Pagpalain tayo!