Iyan ang naibulalas ni San Miguel Beer coach Joseph Uichico matapos na talunin ng Beermen ang Batang Red Bull para makuha ang ikatlong puwesto sa Selecta-PBA All-Filipino Cup.
Kasi nga, marami ang hindi makapaniwalang hindi nakarating sa best-of-five championship round ang San Miguel Beer na natalo sa Coca-Cola sa semifinals. Kung tao-sa-tao ang pag-uusapan, abay di hamak na mas malakas ang Beermen kaysa sa Tigers. Idagdag pa dito ang pangyayaring siyam na minuto lamang naglaro ang leading performer ng Coca-Cola na si Jeffrey Cariaso sa Game-Three na napanalunan ng Tigers, 74-62!
"Siguro, pagod na rin kami. It has been a long season for us," ani Uichico na sa kauna-unahang pagkakataon buhat nang maging coach ng San Miguel ay hindi nakarating sa Finals.
Tatlo sa apat na Asian Gamers ang nagbalik sa roster ng San Miguel para sa All-Filipino Cup at tanging si Danny Seigle lamang ang hindi nakapaglaro dahil nga sa nagkaroon siya ng injury. Katunayan, hindi rin nakapaglaro si Seigle sa Asian Games.
Pero siguro, sapat na sina Danilo Ildefonso, Rodericko Racela at Dondon Hontiveros upang palakasin ang San Miguel na naging consistent semifinalist sa unang dalawang conferences kahit na wala nga ang mga superstars na nabanggit.
Sinasabi ni Uichico na pagod na ang kanyang mga Asian Gamers. Kasi nga, hindi biro ang training na pinagdaanan nila sa loob ng sampung buwan. At lalo nilang naramdaman ang kapaguran dahil sa hindi man lamang nakapag-uwi ng medalya buhat sa Busan ang RP Team na pumang-apat sa Asiad. Kung nagkaroon siguro ng medalya ang RP Team baka naibsan ang kapagurang iyon.
Kahit na si Uichico mismo ay pagod na pagod. Kaya nga bukas ay aalis siya kasama ang kanyang pamilya upang magbakasyon sa Estados Unidos. Kailangan niyang mag-recharge upang paghandaan ang season na darating. Maikli lamang ang magiging break ng liga, eh.
Puwes, ngayong hindi nga nakarating sa Finals ang San Miguel at nabigo na mapanatili ang All-Filipino title, tiyak na magkakaroon ng soul-searching ang mga miyembro ng koponang ito.
Ayon kay Uichico, kailangan pa nila ng isang malaking player at ito ang pagtutuunan nila ng pansin sa darating na Draft kung saan No. 8 silang pipili. Ang tanong ay kung mayroon pa silang maaabutan na malaking player sa Draft. Malaki at mahusay, ha!
"Hindi na kasi kagaya ng nakaraang team ang kasalukuyang team na ito. Hindi na kami ang pinakamatangkad. Lumaki na ang ibang mga teams at nasa gitna na kami. Isa pa, hindi rin kami mabilis kumpara sa ibang teams. Nasa gitna din kami sa kategoryang ito. Yun ang gusto kong maremedyuhan sa susunod na taon," ani Uichico.
Siguro, kahit paano ay maganda na rin para sa San Miguel ang nangyaring ito sa kanila. Maiisip ng Beermen na marami pa silang kailangang gawin upang muling mamayagpag.
At kapag naremedyuhan ni Uichico ang mga butas sa kanyang koponan, tiyak na muling aangat ang Beermen!