Coke nanalo sa Alaska: Tabla sa 1-1

Ang pagkawala nina Jeffrey Cariaso at Johnny Abarrientos ay higit na nakapagbigay ng lakas sa Coca-Cola Tigers upang hugutin ang 72-69 panalo sa Game-Two ng kanilang Selecta-PBA All Filipino Cup finals kagabi sa Araneta Coliseum.

Iniangat ng Tigers ang kanilang laro sa pangunguna ni Ato Morano na may 23-puntos, at 9-rebounds upang matakasan ang mahigpit na labang ibinigay ng Aces at itabla ang kanilang best-of-five championship series sa 1-1 panalo-talo.

"Binuhos ko lahat kasi wala si Jeff (Cariaso na mayroon pa ring groin injury ngunit posibleng lumaro bukas) at Johnny (Abarrientos na nabalian ng buto sa pisngi sa Game-One)," pahayag ni Morano.

Makaraang kapwa mabigo ang Tigers at Aces sa kanilang mga krusyal na posesyon sa regulation, kumawala ang Coca-Cola sa overtime upang kunin ang 68-61 pangunguna matapos ang 9-0 run, 32 segundo na lamang ang oras sa laro.

Gumawa ng isang malaking rally ang Aces sa pangunguna ni Duremdes na umiskor ng tres at dalawa sa tatlong freethrows sa 7-2 run na naglapit ng iskor sa 69-70 matapos ang three-point play ni Don Allado na nakarebound ng nagmintis na huling freethrow ni Duremdes, 16 tik-da na lamang.

Pareho namang ipinasok ni Morano ang kanyang dalawang bonus shots para sa Tigers upang kunin ang 72-69 bentahe at tuluyang inangkin ang panalo nang magmintis si Rob Duat sa kanyang dalawang sunod na tres na pinakawalan sa huling posesyon ng Alaska.

Dahil dito, nakataya ang bentaheng mahalagang panalo sa Game-Three na maglalapit sa mananalong koponan sa titulo at sigurado nang magkakaroon ng laro sa araw ng Pasko. (Ulat ni Carmela V.Ochoa)

Show comments