PBL cagers magpapasiklaban

Handa na ang lahat para sa pagpapasiklab ng mga amateur players sa 2002 PBL Showcase ngayon sa Makati Coliseum.

May 70 partisipante ang magpapakita ng kanilang galing sa larangan ng basketball sa ikatlong season ng event na ito na nakatakda sa alas-3:00 ng gabi na sponsored ng And1 Sportswear.

Naging matagumpay ang pagtatanghal ng event na ito noong nakaraang taon sa Makati Coliseum at inaasahang ito rin ang mangyayari ngayon.

Kung napabilib ni Cyrus Baguio ang mga manonood sa kanyang impresibong slam dunks, dalawang taon na ang nakaraan, pumukaw naman ng pansin si MC Caceres noong nakaraang taon nang lundagan nito ang kanyang teammate at hinubad ang kanyang warmer bago dumakdak.

Ang pinakamalaking tanong ngayon ay kung sino ang magiging Slam Off King at kung ano na namang sorpresang stunts ang makakakuha ng perfect 10 na iskor mula sa mga judges.

Hindi maidedepensa ni Caceres ang kanyang titulo dahil sa kanyang injury kaya ang maglalaban sa Slam off ay sina Welcoat Showman Jean Marc Pingris, Billy Mamaril ng Montana, Arnold Booker ng Sunkist-Pampanga, Mike Garcia ng Blu at guest entry Nino Canaleta ng UE.

Idedepensa ni Eric dela Cuesta, nanalo sa 2-ball competition noong nakaraang taon kasama si Edwin Bacani, ang kanyang titulo kasama si Aries Dimaunahan laban sa pares nina Eddie Laure at Ariel Capus ng Welcoat, Joseph Slangsang at Peter Jun Simon ng Dazz, Jon Dan Salvador at Edgar Echavez ng Montana, Ismael Junio at Mark Magsumbol ng Cheese Balls-Shark.

Ang isa pang highlight ng event ay ang Three-point Shootout kung saan sina Mark Macapagal at Jeff Napa ng John-O, Sunday Salvacion at Edgar Echavez ng Montana, Ismael Junio ng Cheeseballs, James Yap ng ICTSI ang maglalaban-laban.

Show comments