1-2-3 spot sa 3 Welcoat cagers

Hindi nakapagtatakang nasa tuktok ngayon ng team standing ang Welcoat Paint sa 2002 PBL Challenge Cup dahil tatlo sa kanilang star players na sina Eddie Laure, Romel Adducul at Ronald Tubid ang nasa 1-2-3 spot sa karera ng MVP matapos ang unang round ng eliminations.

Nangunguna ang 6’3 na si Laure sa kanyang 335 statistical points nang kanyang pangunahan ang scoring at block department sa kanyang 17.4 puntos at 2.3 blocks, at ikaanim sa rebounds na may 8.4 average.

Rebounds leader naman ang 6’5 slotman na si Adducul na naghahangad ng kanyang ikalawang PBL MVP, sa kanyang 9.9 average bukod pa sa kanyang average na 15.4 puntos at 2.1 blocks para sa kanyang 315 SP’s.

Pangatlo si Tubid sa kanyang 309 SP’s matapos pumangalawa sa scoring sa kanyang 16.6 puntos, ikalawa sa three-point area sa kanyang 44% (15-of-34) at third sa field 57% (30-of-53).

Nasa ikaapat at ikalimang puwesto naman sina Marlon Legaspi ng Blu (278) at Ranidel de Ocampo (257) ayon sa pagkakasunod.

Kabilang sa top ten sina Aries Dimaunahan ng Blu (247), Egay Echavez (242), Jean Pingris (235), Mark Cardona (226) at Al Magpayo (222).

Samantala, matapos bisitahin ang Balanga, Bataan noong nakaraang weekend, gaganapin ng PBL ang kanilang unang opisyal na twinbill sa Baguio sa Sabado, Dec. 14 sa Baguio Colleges Foundation Gym.

Sa katunayan, may dalawang off-seasom invitation tournament ang PBL na kinilala bilang PBL-Athletes Haven Cup ngunit sa pagkakataong ito, makakasaksi ang mga taga-Baguio ng tunay na basketball action tampok ang laban sa pagitan ng Sunkist-Pampanga at John-O sa alas-2:00 ng hapon at ang engkwentro ng Blu All-Purpose at Dazz Dishwashing Liquid sa alas-4:00. (Ulat ni Carmela Ochoa)

Show comments