^

PSN Palaro

Laban hanggang dulo

FREE THROWS - AC Zaldivar -
KAHIT paano’y bumabalibol pa rin sa isip ni coach Vincent "Chot" Reyes at mga manlalaro niya ang 94-86 double overtime loss na sinapit ng Coca-Cola sa kamay ng San Miguel Beer dalawang Linggo na ang nakalilipas.

Kasi nga, dahil sa pagkatalong iyon ay naglaho ang kanilang tsansang makakuha ng automatic semifinals berth sa Selecta-PBA All-Filipino Cup. Bagama’t nagtabla ang Beermen at Tigers sa kartang 6-3 sa pagtatapos ng elimination round ay nakamit ng San Miguel ang ikalawang puwesto at nakasama nito ang Batang Red Bull na naghihintay na lamang ng makakalaban sa best-of-three semis na magsisimula sa Miyerkules.

Sa kabilang dako ay makakaharap ng Coca-Cola ang alinman sa Sta. Lucia Realty at Shell Velocity na nagharap sa sudden-death playoff kagabi.

Sudden-death din ang quarterfinals, eh. Kaya naman kahit pa sabihing ang makakagasupa ng Tigers ay galing din sa playoff at nahirapang makausad, parehas pa rin ang tsansa nilang dalawa. Mas maganda talaga yung nakakuha na kaagad ng automatic semifinals berth.

Siguro nga nanghihinayang si Reyes. Pero palagi naman niyang sinasabi na hindi nila target ang Top Two sa simula ng torneo. Sa realidad, ang talagang puntirya ng Tigers ay ang makabilang lang sa mga koponang maghaharap sa quarterfinals. Nagkataon lang na maganda ang kanilang naging performance.

Ibig sabihin, talagang handa si Reyes na sumuong sa isang sudden-death situation upang makarating sa semifinals. At kung iyan ang frame of mind ng Tigers, wala silang problema bukas. Yun ay kung ang pag-uusapan ay ang konsentrasyon nila.

Kaya lang, ani Reyes ay bugbog na rin ang katawan ng Tigers. Kumbaga’y sobra-sobra ang effort na ibinigay nila sa elimination round dahil nga sa hindi naman talaga matangkad na koponan ang Coca-Cola. Dinadaan lang nila sa takbuhan ang kalaban.

Lalo pa ngang lumiit ang Coca-Cola dahil sa nagtamo ng injury ang sentrong si Cris Bolado na kinailangang ilagay sa injured list hanggang sa pagtatapos ng season. Kasama niya doon si Ernesto Ballesteros na sa kalagitnaan ng taong ito’y naoperahan sa tuhod.

At hindi lang iyon. Si Raffi Reavis, na siyang second pick overall sa Draft ng taong ito ay mayroong fracture sa kamay at hindi makahawak ng bola nang maigi. Hindi siya maka-shoot o makakuha ng rebound. At kahit nga dumepensa lang ay nahihirapan siya dahil sa tinatapik palagi ng kalaban ang kanyang kamay.

Ibig sabihin ay kay Edward Juinio na lamang aasa ang Coca-Cola kung pagdomina sa shaded area ang pag-uusapan. Kukuha na lang ng tulong si Juinio buhat sa mas maliliit na manlalarong gaya nina Rudy Hatfield at Freddie Abuda.

Sakali mang lumusot ang Coca-Cola sa quarterfinals at umusad sa semis kontra sa San Miguel Beer, mahihirapan pa rin ang Tigers dahil sa mas matatangkad ang kanilang makakaharap.

Subalit kahit na anong mangyari sa kampanya ng Coca-Cola sa season na ito ay wala na ring dapat ikahiya sina Reyes at tropa niya. Biruin mong kahit na undersized sila ay hindi naman sila nangulelat sa tatlong conferences palagi silang lumalaban hanggang dulo!

ALL-FILIPINO CUP

BATANG RED BULL

COCA

COCA-COLA

COLA

CRIS BOLADO

EDWARD JUINIO

ERNESTO BALLESTEROS

REYES

SAN MIGUEL BEER

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with