Titulo wala nang kawala sa Laguna

PUERTO PRINCESA – Bagamat may isang araw pang nalalabi sa kompetisyon, wala ng kawala sa mga kamay ng Laguna ang pagsungkit ng overall championship mula sa Manila sa pagpapatuloy ng 4th Batang Pinoy na ginaganap sa Puerto Princesa Sports Complex dito.

Impresibong performance ang ipinamalas ng mga manlalaro mula sa Southern Tagalog nang kumubra ito ng kabuuang 53 gintong medalya na mayroong 15 gintong agwat mula sa mahigpit nilang karibal na Big City athletes na mayroong lamang 38 gintong pro-duksiyon.

"We prepared for this tournament for one year. We do not want our experience last year to happen again when we lost the crown to Manila in the Bacolod Batang Pinoy," pahayag ni Dennis Lazaro, anak ni Laguna governor Ningning Lazaro at head delegation ng Laguna.

Parehong sumisid ang Laguna at Big City tankers ng 29 ginto sa swimming event, ngunit nangibabaw ang Southern Tagalog athletes nang magwagi ng 7 golds sa judo, 13 sa gymnastics at tig-isa sa karatedo, athletics, football at lawn tennis.

Apat naman ang isinubing golds ng Manila sa taekwondo, dalawa sa dancesports, tig-isa sa athletics, gymnastics at table tennis.

"I accept our defeat, but I commend my athletes for a good performance. I know that Laguna is hard to beat, specially since they have a very big delegation of more than 250 athletes while we have only 81," wika naman ni Ali Atienza, head delegation ng Manila.

Naging maganda rin ang ipinakita ng host province Palawan at Puerto Princesa nang makalikom ito ng apat na ginto, tig-isa sa softball, baseball, boxing at athletics.

Nakapasok rin sa top 10 local sports councils ang Cebu City (12-17-13), Cebu (11-10-7), Zamboanga City (10-12-17), Misamis Oriental (7-7-11), Cagayan de Oro (7-0-2) at Bacolod City (6-10-16).

Show comments