"Siya mismo ang may gustong umakyat sa featherweight (126 lbs.) division," wika ni Rod Nazario, ang business manager ni Pacquiao nang maging panauhin ito kahapon sa PSA Forum sa Holiday Inn upang ipaalam sa mga mediamen ang plano ng kanyang bata sa hinaharap.
Napagwagian ng 23-anyos na si Pacquiao ang IBF title nang kanyang igupo ang South African na si Lehlo Ledwaba noong nakaraang taon at tatlong beses niya itong matagumpay na naidepensa.
Sa unang depensa, tinalo ng boksingerong tubong-South Cotabato na si Pacquaio ang Dominican na si Agapito Sanches, isinunod si Colombian Jorge Eliecer Julio at ang huli ay ang Thailander na si Fahprakob Rakkiatgym.
Ang lahat ng tinalong boksingero ni Pacquiao ay pawang mahuhusay sa mundo sa 122 lbs. division na ayon kay Nazario, wala pa siyang nakikitang fighters na puwedeng tumalo sa kanyang bata.
Maging ang Amerikanong sina Johnny Tapia, Bones Adams at Pauli Ayala o Mexicans Oscar Larios at Gutty Espadas Jr., ay hindi gaanong banta kay Pacquiao na umaasam na umakyat sa featherweight division na minsan ring dinomina ni Luisito Espinosa.
"Wala kaming problema kung si Johnny Tapia lang. Maski kailan," dagdag pa ni Nazario. "Sa featherweight talaga ang problema."
"Dapat pag-iisipan pa. Kaya ang gusto ko kay Manny, mga dalawang laban pa muna bago umakyat sa featherweight. Alam mo naman sa boxing, isang talo lang bagsak ka agad. Pero kaya din niya because ngayon pa lang, he fights like a featherweight."
Ayon pa kay Nazario, ibig niyang umakyat si Pacquiao sa ibabaw ng lona sa buwan ng Pebrero o Marso.
"Kung may offer sa 122 pounds, kukunin namin agad. Pero kung si (Antonio) Barrera na ang ilalatag nila, pag-iisipan pa," dagdag pa niya. (Ulat ni Maribeth Repizo)