Sinimulan ni Ryan Arabejo ang paghahakot ng ginto nang kanyang languyin ang unang event na 400-meter freestyle sa 11-12 age group class sa tiyempong 4:29:02 na mas mabilis ng 17.40 segundo sa pumangalawang si Wilfredo Abordo Jr., ng Palawan (4:56.73), ha-bang si Justiniani ng Negros Occidental ang siyang sumungkit ng bronze sa oras na 5:00.68.
Ang tagumpay ni Arabejo ay pinarisan ng kanyang kasamahang si Ma. Georgina Gandionco na nagposte ng oras na 4:14.13 upang talunin sina Ma. Erika Ledesma ng Negros Occidental (5:07.74) at Karina Kamyl Villanueva (5:18.14).
Pero mas pumukaw ng pansin ang paglangoy ni Junuel Dumaraos sa 9-10 breaststroke nang kanyang basagin ang 38.61 tiyempo ni Sadeg Neihum noong 2001 meet nang sumisid ito ng bagong marka na 38.60.
Napasakamay naman nina Kiervienne Vincent Libat ng Batangas ang silver sa bilis na 39:33 at naka-bronze naman si John Simora na may oras na 40:31.
Bukod sa apat na ginto, humukay rin ang Batangas ng isang silver at isang bronze medal sa isang linggong meet na ito.
Matatandaan na na-domina ng Laguna ang nakaraang unang dala-wang edisyon ng Batang Pinoy matapos na magtampisaw ng ginto sa swimming event at nitong nakaraang edisyon, tinanggalan sila ng korona ng Manila matapos na sila naman ang lumangoy ng maraming ginto.
Sa 9-10 division, isinukbit ni Krestia Angela Lacson ang ginto sa 400m freestyle nang itala ang 5:03.86 upang talunin ang pumangalawa lang na si Lea Navato ng Manila na may 5:31.24 at ang third placer na si Alexa Espiritu na mayroong 5:31.92.
Sa 11-12 girls 50m breaststroke, hinigitan ni Chrizel Lagunday ng Antique ang 38.38 1999 record ni Josephine Pilapil ng Palawan nang kanyang iposte ang bagong marka na 37.45.
Naibulsa ni Melizza Lucas ng Laguna ang silver sa kanyang oras na 38.93 at ang bronze ay napunta kay Ann Simora na may 39.00 oras.
Sa dancesport event, wala pa ring tumalo sa Manila nang magwagi ang tambalang William Dave Bernardino at Cynthia Tajon sa Latin American at Modern Standard discipline para sa ginto.