Alaska quarterfinalist na

Inokupahan na ng Alaska Aces ang isang puwesto sa quarterfinal round makaraang idispatsa ang Sta. Lucia Realty, 67-57 sa penul-timate day ng elimination round ng Selecta- PBA All-Filipino Cup sa Ynares Center kagabi.

Pinangunahan ni Rodney Santos ang pagbangon sa Aces nang kanyang pasimulan ang 8-0 run upang itarak ang pinakamalaking kalamangan na 18 puntos, 64-46, patungong 2:50 minutos ng sagupaan na hindi na nagawa pang tibagin ng Realtors.

Humakot si Kenneth Duremdes ng 19 puntos, bukod pa ang 8 assists at tig-4 rebounds at steals upang pamunuan ang Aces sa pagposte ng ikalimang panalo matapos ang apat na talo sa siyam na asignatura.

"Kenneth (Duremdes) was awesome tonight," ani Alaska coach Tim Cone."He really had the game under control."

Ang kabiguan naman ng Realtors, ikalima sa kanilang walong laro ang siyang nagdala sa kanila sa kumplikadong situwasyon matapos na tumabla sa ikapitong puwesto sa Ginebra, Shell at Purefoods.

Sa ikalawang laro, pinatatag ng San Miguel Beer ang kanilang kam-panya para sa awtomatikong semis berth matapos na payukurin ang Shell Velocity, 62-54.

Kasalukuyang nasa ikalawang posisyon ang Beermen sa kanilang 6-2 panalo-talo record.

Samantala, aasinta ng mahalagang panalo ang Barangay Ginebra kontra sa Talk ‘N Text sa kanilang pang-alas-3:45 ng hapong sultada.

Para sa Gin Kings, inaasahang gagawa ito ng eksplosibong opensa upang makuha ang isa sa kinakailangang tagumpay na siyang mag-dudugtong sa kanilang tsansa na mapasama pa sa quarterfinal round.

Tanging pag-asa ng Gin Kings para maka-entra sa susunod na round ay ang maipanalo ang dalawang huling laro kabilang ang laban ngayon.

At sa ikalawang laro, dakong alas-5:45 ng hapon, wala ng halaga para sa Red Bull Thunder ang kanilang nakatakdang laban kontra sa FedEx Expres dahil sa pasok na sila sa semis round bunga ng 7-1 win-loss slate. (Ulat ni Maribeth Repizo)

Show comments