Maaga sanang naisara ni Immonen ang laban nang magtabla ang iskor sa 7-7 nang kanyang maipasok ang 9-ball sa break, ngunit muling nagawang maitabla ni Bustamante ang iskor sa 8-8.
Dito sinamantala ni Immonen ang pagkakamali ni Django at kanyang itinakas ang panalo upang maipaghiganti ang kanyang nalasap na pagkatalo sa kamay ng Filipino ace sa finals ng 35th All-Japan championship sa Osaka.
Ikinunekta ni Bustamante ang 4-9 combination sa unang pagtatabla ng iskor sa 6-6, ngunit nagawang sumagot ni Immonen sa isa ring 4-9 combination upang manatiling buhay ang kanyang kampanya at kunin ang 7-6 kalamangan.
Ngunit di rin nagpahuli si Bustamante, winner ng pitong major title ngayong taon nang magpamalas siya ng impresibong pagtumbok upang muling hatakin ang pagtatabla ng iskor sa 7-7.
Sa sumunod na play, kinapitan si Immonen ng suwerte nang pumasok ang kanyang mga golden shot sa break na siyang naghatid sa kanyang panalo.
Habang sinusulat ang balitang ito, kasalukuyang nagtutumbukan sina 2002 World Champion Earl "The Pearl Strickland at ang tinaguriang The Magician na si Efren Bata Reyes sa ilalim ng format na ang bisitang may best win-loss record ang siyang mapapasabak kontra sa top local sa race to 11 finals sa Sabado.