Sariwa pa sa kanyang kampanya mula sa Bled Olympiad, pinalakas ng 18-anyos na si Paragua ang kanyang kampanya na makopo ang GM norm sa boys18 under nang kanyang igupo si Ivan Mendez Gonzales (ELO 2307) ng Spain upang makalapit ng isang puntos mula sa nangungunang GMs na si Ferenc Berkes (ELO 2545) ng Hungary na nanaig naman kontra International Master (IM) Jan Werle (ELO 2434) ng Netherlands sa top board encounter.
Si Paragua ay nakapag-ipon na ng 6.5 puntos katabla si Zviad Izoria (ELO 2476) ng Georgia para sa ikatlong puwesto.
Nasungkit naman ng 10-anyos na si Salvador ang kanyang ikaapat na puntos makaraang talunin si Casey Hickman sa girls 12 and under class.
Sa iba pang resulta, nabigo naman ang ipinagmamalaki ng Mapua Institute of Technology na si National Master Roderick Nava (4.5 points) ng Carmona kay Mathieu Acher sa boys 18 and under group, hindi rin pinalad si Vic Neil Villanueva ng Letran na may 4.5 puntos nang payukurin siya ni Li Wu sa boys 14 and under.
Hindi naman nagawang ipanalo ni Loren Brigham Laceste na may 4.5 puntos ang kanyang laro at sa halip ay nakipagkasundo na lang ito sa draw kontra Jan Krejci sa boys 10 and under.
Nauwi rin sa draw ang laban sa pagitan nina Nelson Mariano III at Andre Diamont na nagbigay sa una ng limang puntos sa boys 12 and under class.