^

PSN Palaro

Talo sa takbuhan ang Hotdogs

FREE THROWS - AC Zaldivar -
ANG buong akala ng lahat ay muling makapamamayagpag ang Purefoods Tender Juicy Hotdogs sa kasalukuyang Selecta-PBA All-Filipino Cup matapos na masimulan nila ang torneo sa pamamagitan ng dalawang sunod na panalo.

Kasi nga, mataas na mataas ang morale ng team sa pagbabalik ni head coach Eric Altamirano at ng tatlong miyembro ng Philippine team na pumang-apat sa Busan Asian Games na sina Andrew John Seigle, Noy Castillo at Boyet Fernandez.

Umaasa ang Hotdogs na makakabawi sila sa mapait na karanasang sinapit nila sa nagdaang Commissioners Cup kung saan hindi man lamang sila nakarating sa quarterfinals. Malaking let-down iyon dahil sa nagkampeon nga sila sa Governors Cup kung saan si assistant coach Paul Ryan Gregorio ang siyang gumiya sa kanila sa pagkawala ni Altamirano at ng mga Asian Gamers.

Nasabi nga ni team manager Rene Pardo na eye-opener para sa kanila ang nangyari sa Commissioners Cup at natikman nila ang extremes--pagiging kampeon at pangungulelat. At dahil alam na nila ang pakiramdam ng malagay sa magkabilang dulo, natural na ang hahangarin nila ay ang makabawi!

Gaya nga ng nabanggit natin sa umpisa ng column na ito, maganda ang naging simula ng Hotdogs dahil sa nagwagi sila kontra sa Barangay Ginebra (71-63) at FedEx (85-82) upang manguna sa simula ng liga.

Pero hanggang doon na lang iyon, eh. Natalo sila ng apat na beses sa sumunod na limang laro nila. Una’y dinurog sila ng Coca-Cola Tigers (83-58) Pagkatapos ay dinaig sila ng Talk ‘N Text Phone Pals, 78-75 sa Laoag City noong Nob-yembre 9.

Bahagyang nakabawi ang Purefoods nang magwagi sila kontra sa Alaska Aces, 62-56. Subalit pagkatapos nito’y dalawang beses silang natalo at masyado pang malaki ang inilamang sa kanila ng kalaban.

Binayo sila ng nagtatanggol na kampeong San Miguel Beer, 81-66 at pagkatapos ay pinulbos sila ng Batang Red Bull, 96-66.

Aba’y kinse at treinta ang kalamangang iyon ah? Tuloy ay may nagsasabing maagang namigay ng Christmas bonus ang Purefoods. Kalahating buwan at isang buwan pa ang ipinamigay nila. May 13th month bonus at kalahating 14th month!

Galante!

Sa kartang 3-4 ay hindi pa nakatitiyak ang Purefoods na papasok sa susunod na round dahil apat ang koponang malalaglag pagkatapos ng elims.

Sa tutoo lang, ang problema ng Purefoods ay hindi makatakbo ang Hotdogs. Oo’t matatangkad sila pero talo sila sa takbuhan at iyon ang natutunan ng mga kalaban ng Hotdogs buhat sa Coca-Cola na siyang unang tumalo sa Purefoods.

Ewan natin kung mareremedyuhan pa ni Altamirano ang sitwasyong ito lalo’t patapos na ang season at natural na napapagod na ang mga players sa yugtong ito.

Pero kung hindi makakasabay sa takbuhan ang Hotdogs, malamang na mapag-iwanan nga sila’t maagang magbakasyon.

Sayang.

ALASKA ACES

ALL-FILIPINO CUP

ALTAMIRANO

ANDREW JOHN SEIGLE

ASIAN GAMERS

BARANGAY GINEBRA

BATANG RED BULL

COMMISSIONERS CUP

PUREFOODS

SILA

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with