Naitala ng tinaguriang Magnificent Seven, sa pangunguna ng Philippine junior boys under-20 champion na si Mark Paragua ang sweep sa kauna-unahang pagkakataon makaraan ang sixth round ng nasabing event na nilahukan ng mahigit sa 802 mga kabataan mula sa 71 bansa.
At sa limang nalalabing rounds, na lalaruin sa Huwebes at Linggo, mapapasabak sa mahigpit na laban ang 18-anyos na GM candidate na si Paragua na mayroong 4.5 puntos kontra Matthiew Cornette ng France sa boys under-18 category.
Nakatabla naman si National Master Roderick Nava mula sa 22nd hanggang 35th puwesto na may 3.5 puntos at titipanin niya si Lucs Liascovich sa boys 18 and under.
Sa iba pang laban, babanggain ni Vicneil Villanueva (3 pts.) si Nebojsa Dimoski ng Yugoslavia sa boys under-14 group, habang makikipagpigaan ng talento si Nelson Elo Mariano III (4 pts.) kay Daniil Lintchevski ng Russia sa boys under-12 category at sasagupain naman ni Loren Brigham Laceste (3.5 pts.) si Zvonimir Ivekovic ng Croatia sa boys under-10 division.
Sa distaff side, haharapin ni Aices Salvador (3 pts.) si Selina Khoo ng England sa girls under-12 bracket at magpa-pasiklaban naman sina Cheradee Chardine Camacho (2 pts.) at Angelique Hatting ng RSA sa girls under-10 bracket.