Reynante, nanguna sa 2nd pre-qualifying race

Ang lahat ng gusot ay may paraan para maayos.

Ito ang matagumpay na ginawa ni Philippine Sports Commission chairman Eric Buhain nang kanyang pakiusapan ang Philippine Olympic Committee na payagan na ang mga national riders na sumabak sa Tour Pilipinas 2003 second pre-qualifying race noong nakaraang Linggo.

At ang resulta ay naging maganda nang pangunahan ni Lloyd Reynante ang nasabing second pre-qualifying race na 40-km out-and-back course sa Barangay Malaya, Pililla, Rizal nang magsumite ito ng tiyempong 53 minutos at 58.41 segundos.

Bukod kay Reynante, isa pang national riders si Warren Davadilla, 1998 Centennial Tour champion ang pumedal ng 56:36.51 upang angkinin ang ikalawang puwesto.

Matatandaan na ang mga nationals cyclists ay napagitna sa krisis sa liderato ng National Sports Association (NSA) para sa cycling kung saan ang mga siklista ay ayaw payagan ng national team coach na si Jomel Lorenzo na sumali sa nasabing karera.

Pumangatlo ang Pangasinense na si Felix Celeste, Tour veteran na kababalik lamang mula sa Italy kung saan siya at ang kanyang asawa ay dito na nakabase para sumali sa karera at nagposte ng 57:06.61 na sinundan ng isa pang national rider, ngunit isang natural mountain biker na si Eusebio Quinones (57:12.15).

At sa mga datihang siklista, nagpamalas ng impresibong pagpadyak si Placido Valdez nang pumanglima ito (57:16.34), tumapos si dating two-time champion Renato Dolosa, ng ikapitong posisyon (58:00.46) sa likod ng pang-anim na si Rhyan Tanguiling (57:55.21) at ang back-to-back champion na si Carlo Guieb ay nasa 10th place na may tiyempong 58:35.97.

Pangwalo si Michael Primero (58:04.31) at ikasiyam na posisyon si Reiner Austria (58:31.74).

Nakipagsabayan din ng pagpedal sa mga batang hita ang 47-anyos na Bata-ngueño na si Elpidio Untalan na pumasok sa top 100 mula sa 160-strong field.

Ang iba pang national sina Victor Espiritu, Enrique Domingo, 2002 CALABARZON champion Santy Barnachea, Arnel Quirimit, Alfie Catalan, at iba pa ay nakatakdang sumabak sa Tour Pilipinas 2003 third at final pre-qualfying race sa Argao, Cebu. (Ulat ni Maribeth Repizo)

Show comments