Humataw ang Tigers sa ikalawang quarter kung saan nalimitahan ang FedEx sa anim na puntos lamang kasabay ng paghakot ng 24-puntos ng Coca-Cola upang kunin ang 45-27 kalamangan sa halftime.
Nagtala lamang ng 19% ang Express mula sa kanilang 2-of-16 field goal shooting kumpara sa 80% ng Coca-Cola na may 12-of-15 shooting sa ikalawang quarter.
Pinangalagaan ng Tigers ang kalamangang hawak hanggang sa ikatlong canto kung saan tinapos nila ito sa 65-42 kalamangan na siyang kanilang pinakamalaking kalamangan sa laro.
Ngunit dahil ipinahinga ni Coca-Cola coach Chot Reyes ang kanyang mga regular player nakasilip ng pagkakataon ang FedEx na makabangon sa pamamagitan ng 21-2 paghahabol upang makalapit sa 73-67, .37 segundo na lamang ang nalalabing oras sa labanan.
Ito ay nagbigay kaba sa Tigers na kinailangang magbanat ng buto upang mapreserba ang kanilang tagumpay na siyang kanilang ikaapat na sunod kontra sa kanilang isang talo sa limang laro.
Walang nangyari sa paghahabol ng Express na kinapos sa oras na siyang dahilan ng kanilang ikalimang sunod na pagkatalo sa gayon ding dami ng laro na naglagay sa kanila sa alanganing katayuan para sa season ending conference na ito.(Ulat ni Carmela V.Ochoa)