Sunkist yuko sa La Salle

Nagpakatatag ang ICTSI-La Salle sa huling maiinit na bahagi ng laro upang iposte ang lopsided na 94-68 tagumpay kontra sa Sunkist-Pampanga kahapon sa 2002 PBL Challenge Cup sa Pasig Sports Center.

Sa kabila ng kanilang pagdadalamhati, hindi nagpaapekto ang La Salle sa pagkamatay ng 6’5 na si Miguel Gozum gayundin ang di paglalaro nina BJ Manalo, Manny Ramos at Mika Vainio kung saan lumaro sila na may puso upang ihandog ang nasabing laro sa kanilang yumaong kasamahan at bumangon mula sa 73-81 kabiguang nalasap sa mga kamay ng Dazz.

Sa ngayon taglay na nila ang 1-1 record at katabla ang LBC-Batangas at Montana Pawnshop.

Lubhang naapektu-han ng pagkamatay ni Gozum sina Manalo, Ramos at Vainio na magkasama sa iisang condo na kanilang tinitirhan.

Agad na inirolyo ng ICTSI ang 13-0 panimula at hindi na nila binitiwan pa ang tempo kung saan umalagwa sila ng mara-ming ulit sa 33 puntos, 91-58, may 1:55 ang nalalabing oras sa laro.

Humakot si Mark Cardona ng ICTSI Archers na may 16 puntos, tatlong rebounds at dalawang blocks naman si Joseph Yeo ng 15 puntos. (Ulat ni Maribeth Repizo)

Show comments