RP bagsak sa 37th place

BLED, Slovenia--Sa hindi inaasahang pagkakataon, bumagsak ang Philippines sa mga kamay ng Bangladesh, 2.5-1.5 upang tumapos lamang ng pakikipagtabla mula sa 37th place sa walong iba pang bansa sa pagtiklop ng 14th at final round ng 35th World Chess Olympiad dito.

Nalasap ni Grandmaster Eugene Torres ang kanyang ikalimang pagkatalo, habang natikman naman ni Mark Paragua ang kanyang ikalawang kabiguan sa mga kamay ng Bangladesh. Ngunit, bahagyang isinalba ng dalawang manlalaro ng bansa na nananatiling walang talo na sina IM Nelson Mariano III at GM Joey Antonio ang kahihiyan ng RP.

Tinalo ni Mariano ang kapwa niya IM na si Hossain Enamul sa 47 moves ng Sicilian Defense, habang nakuntento naman si Antonio sa pakikipaghatian ng puntos makaraang sumablay ang kanyang panalo sa kanilang 52-sulungan ng French Defense kontra IM Reefat Bin Sattar.

Nabigo si Torre sa mga kamay ni GM Ziaur Rahman sa 52 moves ng Indian Defense at sumuko naman si Paragua makaraan ang 50 sulungan ng Benoni Defense laban kay IM Abdulla Al-Rakib.

"The loss was unfortunate for us since we only needed to win 2.5-1.5 to get into the top 20," pahayag ni Philippine captain Samuel Estimo.

Sa nakaraang 2000 Stanbul Olympiad, tuma-pos ang Philippine team men’s team ng pakikisosyo mula 17th puwesto.

Ayon kay Estimo, kailangan ng National Chess Federation of the Philippines (NCFP) ng isang hard work para maibangon ang imahe ng chess sa bansa.

"The Southeast Asian Games is just around the corner and we will have make it one of our top priorities," aniya. At sa nasabing Olympiad, tumapos ang Vietnam at Indonesia na may kalahating puntos na agwat lamang sa Philippines na may nalikom na 30.5 puntos.

Walong gold medals ang nakataya sa chess, ayon sa organizing Vietnamese Chess Federation.

Isinara naman ng women’s team ang kanilang kampanya mula sa pakikipagtabla sa 63rd puwesto na may 19.5 puntos na naipon sa Sri Lanka makaraang yumukod sa Turkey, 2-1.

Ginapi ni GM candidate Arianne Caoili si Yildiz Betul Conre sa 23 moves ng Queen’s Gambit declined, ngunit nag-resign si WIM Beverly Mendoza sa 20 move ng Sicilian kontra Nilufer Cinar at di rin nakaligtas si Sheerie Joy Lomibao sa 14-anyos na kalaban na si Keskin Serap.

Show comments