Pinoy chessers yuko sa Denmark

BLED, Slovenia -- Matapos ang anim na oras na pakikipagbuno sa orasan at sa kalabang ayaw sumuko, kumabyos si Petronio Roca sa end-game na naging dahilan para malasap ng Philippines ang 2.5-1.5 decision kontra sa Denmark sa ikalimang round ng 35th World Chess Olympiad dito.

Sa isang matagalang laban, naubusan ng bala si Roca kontra sa IM na si Nicolai Vesterbaek Pedersen sa ika-93 sulong ng Schmid Benoni.

Ang pagkatalo ni Roca ay isa lamang sa dalawang kabiguan ng Filipino chessers.

Yumuko din si GM Bong Villamayor (ELO 2503) kay GM Lars Schandorff (2546) na may itim na piyesa sa 53 sulong ng Slav Meran.

Ito ang ikalawang sunod na kabiguan ni Villamayor, na nangangapa pa rin matapos ang 10 buwang pagtuturo sa Singapore.

Nauna rito, gamit ang kanyang paboritong Trompovsky Opening hawak ang puting piyesa, ipinamalas ni GM Eugene Torre (2523) ang kanyang tikas sa endgame makaraang daigin si GM Peter Heine Nielsen (2620) sa 66 moves.

Si Torre, na magdiriwang ng kanyang ika-51st kaarawan sa Nobyembre 4, ay nakipaglaban sa mahirap na position upang mapuwersa ang isang paborableng endgame kung saan ang kanyang knight ay naging epektibo sa closed position. Nanalo ito ng pawn at muling kukuha pa nang isa ng mag-resign si Nielsen.

Ang laban sa board 3 ay nagwakas sa draw.

Samantala si IM Mark Paragua (2476) na naglarong walang kapalit, ay tinanggap ang draw na alok ni GM Sune Berg Hansen (2555) sa 14 moves ng English.

Si Paragua na umaasinta ng GM title ay may 3.5 puntos na sa limang rounds.

Sa kababaihan, naki-pagdraw ang mga Pinay sa International Physically Disabled Chess Association (IPCA).

Tinalo ni Sheeri Joy Lomibao (2101) si Woman FIDE Master Galina Melnik (2144) sa 45 moves ng Center Counter.

Ang panalo ay tumakip sa hindi inaasahang kabiguan ni Woman IM Arianne Caoili kay WFM Galina Shliahtich sa 43 moves ng King Indian’s Defense.

Ito ang ikalawang kabiguan ni Caoili na naglagay sa kanya sa delikadong posisyon sa inaasintang woman GM title.

Hawak ang puting piyesa sa board two, nakipag-draw naman si WIM Beverly Mendoza (2132) kay Ivana Tallova (2153) sa 30 moves ng Tromposvsky Opening.

Ang Pinoys chessers ay may 11.5 points para makatabla sa 39th place habang ang kababaihan naman na may 7.5 points ay nakikisosyo sa 46th spot.

Samantala pinigil ng Armenia ang Russian chess machine nang maipuwersa ang laban sa 2-all draw sa 5th round.

Show comments