MGA LA SALLISTA, NAGSALITA NA

Wala na sigurong mas masakit pa sa mga manlalaro ng De La Salle Green Archers kundi ang matalo sa Ateneo de Manila, lalo na sa kampeonato ng UAAP. Maliban lang siguro sa bintang na sadya silang nagpatalo. Lalo na kung tatandaan nating labintatlong sunod ang kanilang naitalang panalo.

Sa unang laro ng serye, nasa kamay ni Mark Cardona ang pag-asang maagaw pa sana ang glorya para sa La Salle. Bagamat para kay Mike Cortez dapat ang play, napilitang tumira si Cardona dahil paubos na rin ang oras. Subalit dalawang beses siyang nasupalpal ni Larry Fonacier ng Ateneo.

"Sa tingin ko, hindi pa ako nakakarekober," bungad ni Cardona. "Mahirap tanggapin na natalo kami sa Ateneo. Kami yung number one, at sila lang naman ang tumalo sa amin, wala nang iba. Nabalewala yung 13-1 namin. Hanggang ngayon, hindi ako komportable pag lumalabas ako dahil sa pagkatalo namin."

"Noong una, masakit talaga," dagdag ng sentro na pinakamatalik na kaibigan ni Cardona na si Carlo Sharma. "Sinisisi ko rin ang sarili ko. Sa tingin ko, hindi ko naibigay yung best ko."

Sa ikalawang laro, sinamantala ng La Salle ang kumpiyansa ng Ateneo at tinabla ang serye. Subalit, sa ikatlong laban, ang Blue Eagles naman ang nagtatag ng matibay na lamang. Bigla silang kinilala ng madla, at sumikat na parang mga artista.

Pero hindi doon nagwakas ang kuwento para sa mga dating kampeon. Bigla silang nilamon ng mga tsismis na nagbenta sila ng mga laro, kahit walang katibayan. At walang nagsalita sa kanila sa media. Hanggang sa puntong ito.

"Sa ngayon, yan ang mga balitang naririnig ko, na meron sa aming nagbenta ng laro, at masakit sa amin iyon, dahil hindi mo naman mapapatunayan kung may gumawa noon o hindi, sagot ni Cardona. "Sa amin, wala namang gagawa nun. Sinasabi lang ng mga taong iyan dahil sabay-sabay kaming masama ang laro. Hindi mo rin sila masisisi na pagdudahan kami."

"Game-fixing nga yung naririrnig ko," pagkumpirma ni Sharma. "Pero hindi ko alam kung bakit nila iisipin iyon. Hindi ako makapaniwala, dahil lahat kami, binigay yung best namin. Walang dahilan para sabihin nila iyon."

Nagatungan pa nang hindi gaanong gamitin ang ilan sa mga sikat na manlalaro ng La Salle sa ginaganap na Showdown for Bantay Bata. Subalit ginamit ng Green Archers ang pagkakataon upang pag-aralan ang mga bago nilang player. At hindi pa naghihilom ang mga sugat ng mga beterano nila.

"Masakit talaga, iniisip ko gabi-gabi," pag-amin ni Cardona. "Parang nightmare na hinahabol ako. Parang gusto mo talagang umiyak kung minsan. Pag iniisip ko, dapat kami yung nasa lugar ng Ateneo."

Hindi pinapansin ng koponan ng Green Archers ang mga bintang na di mahanap ang ugat, at walang batayan. Pero mayroon silang ipinapangako sa kanilang mga tagahanga.

"Ang masasabi ko lang, next year, kukunin namin ang championship, para sa inyo. Huwag kayong mag-alala," babala ni Sharma. Gaya ng kasabihan, ang tagumpay ang pinakamatamis na paghihiganti.

Show comments