Mula sa dating apat na araw na Tour de Calabarzon, ang Tour Pilipinas ay magkakaroon na ngayon ng 14 stages sa loob ng 17-araw na lilibot sa ibat ibang parte ng Luzon.
Magsisimula ang mga pre-qualifying race para sa 12-koponan na kakatawan ng ibat ibang lalawigan sa bansa sa darating na Nobyembre.
Ang unang qualifying ay sa November 10 sa Pililia, Rizal para sa Luzon Aspirants at ang susunod ay sa November 23 sa Argao, Cebu para sa Visayas at Mindanao participants.
Inaasahan ni Air21 chairman Bert Lina na ang Tour Pilipinas ang magiging stepping stone ng bansa paglahok sa Tour de France.
"We want to develop world class cyclists who are capable of competing in the Tour de France," ani Lina na naglaan ng P1 milyon para sa winning team na siyang pinakamalaking team prize sa kasaysayan ng Philippine Cycling at P200,000 para sa individual champion.
Sa mga qualifying races magmumula ang 84 riders na ikakalat sa 12 na koponan na iisponsoran ng mga pribadong kumpanya.
Ang Tour Pilipinas ay magiging katulad din ng nakaraang tour maliban sa isang bagay, kung saan ang bawat koponan ay isang buong susupoprtahan ng isang pribadong kumpanya.
May kabuuang 2,234 kilometro ang tatahakin ng karera mula Sorsogon hanggang Ilocos Norte kasama ang pag-akyat sa Baguio City.
"Weve seen in the past how enthusiastic the response to the revival of the cycling tour was. So we didnt waste any moment more to go full throttle," anaman ni Lito Alvarez, president at CEO ng Air21.(Ulat ni CVOchoa)