Nauunawaan ko na nakakasama ng loob talagang isipin na ang pinakamagagaling nating mga manlalaro ay hindi man lang pumasok sa talaan ng medalya sa Busan. Masakit aminin na tayong mga Pilipino, pinag-pipitaganang basketbolista ng Asya, ay talunan. Masaklap pa rito, naungusan lang tayo ng Korea ng isang puntos, tapos sila pa ang nagpatumba sa mga higante ng China.
Pero may isang malaking bagay na hindi naiisip ng lahat ng mga may hinanakit.
Hindi trabaho ng PBA ang ilaban ang bandera natin sa Asian Games. Trabaho ito ng Basketball Association of the Philippines. Gaya ng ilang ulit nang naisulat dito, mahigit labinlimang taon na tayong walang Pambansang koponan sa basketbol, ang paborito nating sport. Para tuloy tayong pulubi na namamalimos ng player, nagmamakaawa na may maglaro para sa Pilipinas.
Katuwiran ng BAP na mahirap maghanap ng player ngayon dahil marami silang kaagaw. Naririyan ang mga paaralan na madalas, ayaw magpahiram ng player.
Naririyan ang PBL, kung saan kumikita ang mga manlalaro. Sa dalawang puntong iyon pa lang, buong taon nang nakatali ang mga player. Isa pang angal ng BAP, pera daw ang unang tinatanong ng marami sa mga nilalapitan nilang player. Isang halimbawa lang ang ating RP Youth team na walang natamo sa SEABA, kung saan ay di pa tayo natatalo bago sila tumungong Malaysia. Dahil naurong sa Hulyo ang torneo, hindi na pumayag ang ilang paaralan na gamitin ang kanilang mga manlalaro, na nakapasok na sa NCAA o UAAP teams nila.
Kung ganoon, parang nakatali ang kamay ng BAP. Wala silang magagawa para pagandahin ang takbo ng basketbol sa Pilipinas.
Bakit pa tayo sumasali sa mga torneo tulad ng Asian Games?
Sa puntong ito, gusto kong pasalamatan ang mga magigiting na manlalaro ng PBA, na sumalo sa bansa. Disyembre pa lamang, nagsimula silang maghanda.
Dahil sa RP team, nasaktan ang kampanya ng kanilang mga koponan sa PBA.
Dahil sa RP team, nadisgrasya ang ilang manlalaro ng PBA, tulad ni Danny Seigle. Dahil sa pagsali sa RP team, tiniis nila ang kahihiyan ng try-out, ang pagpuna sa mga hindi natanggap, at ang pang-aapi sa pagkatalo. Hindi natin masusuklian ang kabayanihan nila.
At ano ang isusukli natin sa kanila?
Dapat nga ay lalo nating suportahan ang PBA, na napagitna sa nag-uumpugang bato. Kung hindi sila pumunta sa Asian Games, mga traydor silang tumatalikod sa tawag ng watawat. Nang matalo, bobo ang tawag sa kanila. Sila na ang sumaklolo, sila pa ang masama. Mabuti pa, di na sila umulit, para matuto tayong magpasalamat.
Salamat kay Ron Jacobs, Jong Uichico, at sa lahat ng lumimot sa sarili para ilaban tayo sa Busan.