Buong pagmamalaking pinatugtog ang Pambansang Awit kasabay ng pagwagayway ng bandila habang nakataas ang noo ng umiiyak na si Cojuangco-Jaworski sa loob ng Busan Equestrian ground.
At may dapat ipagmalaki ang 28 anyos na magandang Pinay na mula sa mga angkan ng mayayamang Cojuangco dahil isinukbit nito ang kumikinang na gintong medalya kasabay ng nakakabinging pagtugtog ng Pambansang Awit.
Punum-puno ng drama sa loob ng Busan Equestrian ground nang matapos ang seremonyas na kung saan pagkatapos ay isinabit kay Cojuangco-Jaworski ang gold medal ay bumaba ng podium at nilapitan ang lahat ng Pinay equestrianne na sina Toni Leviste, Danielle Cojuangco at Michelle Barrera, coaches at ang amang si dating Tarlac congressman Peping Cojuangco bago sumakay uli sa kanyang kabayong 8 month old Australian thoroubred na si Rustic Rouge at iwinagayway ang bandila sa palibot ng lugar na pinagdausan ng torneo.
Si Cojuangco -Jaworski na ina ng dalawang anak niya kay dating basketball cager Dudut Jaworski ay nakasiguro na ng silver matapos ang dalawang round sa malinis niyang record kung saan nakatabla niya ang Korean rider na si Lee, Jin Kyung para sa jumpoff para sa gold medal.
"Siyempre masaya ako. Obviously, today was our day. Actually hindi kami makapaniwala. Basta pumasok lang kami and we just wanted to do our best," naluluhang pahayag ni Cojuangco-Jaworski na inihahandog din ang panalo sa kanyang asawang si Dudut na nagdiwang ng kanyang kaarawan kahapon.
"Mula sa umpisa, pakiramdam ko, hindi ako yung gumagawa. Dinadaan ko na lang sa dasal. Kasi para sa akin gagawin ko yung best at kung ano ang ipagkakaloob, yun ang makukuha," aniya pa, na tila hindi pa rin makapaniwala sa kanyang tagumpay.
"Sulit itong mga batang ito, They really worked hard for this. Na-reward yung hirap nila," pahayag ni dating congressman Cojuangco sa mga Pinay equestrianne.
"Si Mikee, gastos niyang lahat ito, tapos yung pagod at hirap pa niya sulit. Nagpunta pa siya ng Malaysia pa-ra mag-training tapos nagpunta din ng Australia," masayang dagdag ng matandang Cojuangco.
"Itong campaign natin ended on a happy note," this is our best performance in Asian Games. Maikling pahayag ni POC president Cito Dayrit.