Tulad ng inaasahan, silver lamang ang nasungkit ni Harry Tanamor bagamat ibinigay na nito ang lahat ng kanyang kakayahan sa lightflyweight finals ng boxing competition ng 14th Asian Games sa Masan Stadium.
Ang 24 anyos na si Tanamor na tubong-Zamboanga ay dinaig ni Kim Ki Suk ng host South Korea, 24-19.
Gayunpaman, maipagmamalaki pa rin ni Tanamor ang kanyang silver medal na tumakip sa nakakadismayang 1 bronze medal na pagtatapos ng Pinoy boxers noong 1998 Asian Games sa Bangkok.
Sinubok ni Tanamor, na may magandang record na bitbit dito sa Asian Games sa kanyang gold medal na pagtatapos sa Chowdry Cup sa Azerbaijan at Acropolis Cup sa Greece, sa pamamagitan ng mga solidong suntok at kumbinasyon sa unang round para agad na umabante sa 7-4 tungo sa dikit na 13-12.