Ito ang paunang salita ni Philippine Sports Commission chairman Eric Buhain ng dalawin niya ang Philippine Media sa Main Press Center kasama si Philippine Olympic Committee president Celso Dayrit at chef de mission Tom Carrasco.
Ito ay patungkol sa preparasyon na inihahanda ng mga atleta at National Sports Association sa mga darating na international competition.
Sinabi ni Buhain na hindi dapat sa Southeast Asian Games lang itutok ang paningin.
"We have to look for the future. Aim high like golds for the Olympic Games," ani Buhain na nagsabing dapat na maging gabay ng mga atleta at sports officials ang Olympic Games.
"Kasi, kung ang aim mo Olympics, magiging maganda ang outcome nito sa Asian Games at siyempre higit sa lahat matutumbok mo ang at least 100 golds sa SEA Games at makukuha ang supremidad sa rehiyon," dagdag pa ni Buhain.
Ngunit madaling sabihin.
Ang top three sa Asian Games--China, Japan at Korea--ay pawang may pera na pangsuporta sa kanilang sports di tulad ng Pilipinas na kulang na kulang sa financial support.
Gayunpaman, sinabi din ni Buhain na inaayos na nito ang lahat at nakikipag-usap sa Senado at Congress sa tulong na ibibigay ng pamahalaan sa sports.
Sinabi pa ni Buhain na dinagdagdag niya ang insen-tibong makukuha ng mga atletang kabilang sa grupo ng lima pataas tulad ng bowling team of five at basketball ng P2M na kanilang paghahati-hatian.
Ang mga atletang susungkit ng gold, silver at bronze ay pagkakalooban ng insentibong P1M, P.5M at P100,000, ayon sa pagkakasunod para sa individual at team sports.(Ulat ni DMVillena)