Halos lahat ng tao sa daigdig ng sports lalo na sa bowling ay hindi maaaring hindi makilala ang bantog na si Paeng sa pagkakalista niya sa Guinness Book of World Record makaraang kanain ang kanyang ikatlong World Cup title.
Sa edad 19-taong gulang, unang itinala ni Paeng ang kanyang World Cup title noong 1976 sa Tehran, Iran. Ikalawa sa Jakarta, Indonesia noong 1980 at ikatlo sa Le Mans, France noong 1992 kung saan naisulat siya sa Guinness Book of World record.
Hindi tumitigil sa paglalaro at pagsali sa mga international competition ang 45-anyos na kaliweteng bowler, bagamat may mga panahong hindi nakakakumpleto ng pag-lahok dahil sa kanyang operasyon sa kamay may dalawang taon na ang nakakalipas.
Gayunpaman, hindi ito naging balakid sa kanyang pagbabalik at bago nagsimula ang 14th Asian Games, nakupit ni Nepomuceno, tinanghal na Greatest Filipino Athlete ng Senado dahil sa kanyang kahanga-hangang achievement sa bowling, ang mens masters title sa Korea International Open Championships.
Sinunog ng kaliweteng si Nepomuceno ang lanes ng Homeplus Asiad Bowling Center para sa titulo na naging gabay niya para sa kanyang partisipasyon sa bowling event ng Asian Games, ang tanging kulang sa kanyang bowling center.
Bagamat nabigo sa mens singles kung saan pangwalo lamang ito, hin-di nito hinayaang makawala ang oportunidad na gamitin ang pagkabihasa sa lanes na kanyang nasubok nang masungkit nito ang kanyang kauna-unahang Asian Games gold medal sa mens double kasama ang partner na si Rowen Jay Bautista.
"I am happy for the win and also for the Philippines," ani Nepomuceno, four-time World Cup champion.
"This (Asian Games gold medal) is the only missing in my bowling career," dagdag pa ni Nepomuceno na nag-silver noong 1994 Hiroshima Asian Games sa mens team-of-five pa.
Ang kumikinang na gintong medalya ng magka-partner na sina Nepomuceno at Bautista ang gumising sa tila nahihimbing na pagkakatulog ng Pambansang delegasyon na may limang bronze na naisusubi.
Umalingawngaw ang Pambansang Awit sa loob ng Homeplus Bowling Center na umaabot sa pandinig ng natutulog na Philippine contingent.
"They did a great job and they deserved to win," wika naman ni National coach Johnson Cheng, na tinutulungan ng American na si James Purvis Granger. - (Ulat ni DMVillena)