Dalawa sa shooting, isa sa rowing, isa sa billiards at womens singles bowling ang bumuhay sa makulimlim na araw ng mga Pinoy.
Maganda ang umaga ng Pambansang delegasyon nang bahagyang nagningning ang bronze medal nina rowers Alvin Amposta at Nestor Cordova sa mens lightweight double sculls upang bahagyang iangat ang pride ng bansa.
Pumangatlo ang tambalang Pinoy na naorasan ng 7:17.84 sa likod ng nangunang Japan at sumegundang China.
Nagpaputok ng kabuuang 331 puntos sina Eric Ang, Jethro Dionisio at Jaime Recio na sapat lamang para sa bronze medal sa mens trap. Inangkin ng China ang gold sa kanilang naipon na 353 puntos at silver naman sa India na may 340.
Nagpagulong ng kabuuang 1,308 pinfalls para sa 218 average sina Liza Clutario para angkinin ang bronze medal sa ladies singles ng bowling competition na ginanap sa Homeplus Bowling Alley sa tabi ng Busan Main Stadium, may 54 pins na layo sa naka-gold na si Kim Soo-Kyung ng Korea (1,362) at 24 pins kay Miyuki Kubotani ng Japan (1,334) na sumungkit ng silver.
Ngunit hindi naman naging masuwerte ang four-time world cup titlists na si Paeng Nepomuceno na naglaho ang pag-asa sa medal race ng mens singles gayundin si 9-ball expert na si Efren Bata Reyes nang yumukod ito sa Taiwanese na si Hsia Hui Kai, 9-7 sa 8-ball pool ng billiards competition na siyang pumigil sa kanyang pagpasok sa semis round.
Sawi rin si Victor Espiritu na maabot ang kanyang pangarap na ginto nang magtapos lamang ito sa nakakadismayang 18th place sa 169.4km individual road race na dinomina ng mga siklista mula sa Soviet Union.(Ulat ni Dina Marie Villena)