Ang resulta?
Magiting na nalusutan ng Nationals ang mga Hapones sa pamamagitan ng nagpapakabog dibdib na 79-74 tagumpay.
Kumana ng isang basket si Jeffrey Cariaso at hinugutan ng foul si Takehiko Orimo, may 27-segundo na lang ang nasa orasan upang isiguro ang panalo.
Bukod kay Cariaso naging bayani ng mainit na bakbakan sina Olsen Racela at Dondon Hontiveros na nagbaba ng 8-0 salvo upang itabla ang iskor sa 69-all, mula sa 8-puntos na kalamangan ng mga Hapones, 69-61 sa kalagitnaan ng huling canto.
Ngunit kumakabog pa rin ang dibdib ni Uichico at ng buong coaching staff nang dalawang beses pang nagtabla ang iskor, una sa 71-all at ikalawa sa 74, ilang tikada na lamang ang nalalabi sa laban.
Makaraan ang 11-6 pangunguna ng mga Pinoy sa unang quarter, binanatan na ni Orimo, Most Valuable Player ng Japan Basketball League, ang pagkamada sa basketball nang magpakawala ito ng sunud-sunod na basket na hinalinhan ni Takuya Kita upang kunin ang trangko sa 34-28.
Pumalag ang mga Pinoy at hindi pinayagan ni Taulava na basta-basta na lamang sila paiwan, ngunit higit na maliksi at nag-init ang mga kamay ng Hapones para isara ang halftime sa 50-34.
Gumamit ng mala-moog na depensa ang mga bataan ni National coach Jong Uichico sa pagpasok ng second half hanggang sa ma-foul trouble si Orimo sa ikatlong quarter na nagbigay ng pagkakataon sa mga Pinoy na maghabol.
Unti-unting tinibag ng Nationals ang pader na nakaharang sa ikaapat na quarter at nakipagpalitan ng basket hanggang sa makalapit sa 61-64 nang manalasa ng husto sina Racela, Cariaso at Taulava upang itabla ang iskor sa 69-all, mahigit isang minuto na lamang ang na-titira sa oras ng labanan.
Pinamunuan ng nagpakalbong si Taulava ang produksiyon ng Pinoy sa kanyang itinalang 27-puntos bukod pa sa 12 rebounds.
Susunod na makakalaban ng RP quintet ang Chinese-Taipei sa Biyer-nes at huli ang China sa Oktubre 8 para makasulong sa finals. Inaasahang mananalo ang Nationals kontra Taiwanese at kahit matalo sa China ay makakapasok sa cross-over semis. (Ulat ni Dina Marie Villena)