Pinoy athletes matamlay pa rin

BUSAN -- Tagtuyot pa rin ang pag-ani sa medalya ng Pambansang delegasyon bagamat muling binigyan ng buhay ng dalawang swimmers ang kanilang kampanya makaraang makalusot sa kanilang heats sa swimming event ng 14th Asian Games dito.

Muling pumasa sa kanyang heat si Miguel Molina sa 200m men’s freestyle sa tiyempong 1:53:51 ikalawang pinakamabilis sa kanyang heat habang lumangoy naman si Jenny Guerero sa 100m breaststroke sa bilis na 1:13.68 para makapasok sa finals.

Ngunit hindi naging madali para sa tambalan nina Benjamin Guevarra at James Ortega ng snooker team ang kanilang kinaharap nang matapos manaig kina Noppadal Sangril at Wansharma Poomjaeng ng Thailand, 3-2 sa prelims ay yumukod naman kina Marco Ka Chun Fu at Chi Wai Au ng Hong Kong, 3-0.

Hindi maganda ang pamamaalam ni judoka John Baylon sa kanyang huling Asian Games makaraang yumuko ito kay Ibragimov Erkin ng Kyrghyzstan sa repecharge matapos manalo kay Aldikan Ghannam ng Kuwait.

Inilublob naman ng Japan ang RP Blu Girls, 9-0.

Samantala, muling lulusong sa swimming pool sina Heidi Ong (100m freestyle), Miguel Molina (200m breaststroke), Luisa Dacanay (100m butterfly), Liza Danila (100m backstroke) at Mendoza at Carlo Piccio sa 400m freestyle.

Sa kaugnay na balita, dahil sa kapalpakan ng Philippine Soft Tennis Association, hindi sila nakapagpasok ng entry sa ladies singles kung saan may magandang tsansa ang soft netter na si Josephine Paguyo.

Ngunit umapela si Philippine Olympic Committee president Celso Dayrit na maihabol si Paguyo at umaasa itong mabibigyan ng po-sitibong kasagutan dahil ang Malaysia na umapela din na maipasok ang kanilang entry ay pinayagan ng organizing committee (BAGOC).(Ulat ni Dina Marie Villena)

Show comments