Ang 26-anyos na Marlboro Tour king ay mabilis sa kanyang oras na 1:06.05 pero hindi sapat para makapuwesto sa medal standings na inokupahan ng mga siklista mula sa dating Soviet Republic na sina Andrei Teteriouk ng Kazakhstan, Evgeny Vakkor ng Kyrghyzstan at Sergey Krusheveskiy ng Uzbekistan na pawang mga beterano na sa European circuit, kabilang na ang Tour de France para sa gold, silver at bronze medal, ayon sa pagkakasunod.
"Ang lalakas ng kalaban natin. Lahat beterano ng Tour de France, pero kayang sabayan sa massed start," ani Espiritu patukoy sa susunod niyang event na 169km road race sa Huwebes."At least alam ko na kung sino ang tututukan."
Ang pambatong siklista ng bansa ay nasa ikatlong posisyon nang pumasok ang 16-man field at dito nalampasan siya ng mahigpit niyang karibal na si Tonton Susanto ng Indonesia, gold medalist sa road race noong 1998 Bangkok Asiad at pang-apat na dumating sa finish line.
"Okay naman ang takbo ni Victor. Ayos sa aming preparasyon dahil at least natikman niya yung course na akyating bulubundukin, pero parang sa Antipolo din," anang head coach na si Jommel Lorenzo.
Samantala, tumapos na kulelat ang babaeng siklista na si Marites Bitbit sa 24km ITT. (Ulat ni Dina Marie Villena)