Kasi nga, ibang klase ang Ana Freezers, eh. Para bang ito ang Barangay Ginebra ng PBL. Kahit na mahina ang line-up ng Ana Freezers ay nakapagbibigay pa rin ito ng magandang laban. Katunayan, sa huling dalawang conferences ng PBL, si team owner Rudy Mendoza na mismo ang siyang tumatayong head coach ng koponan at nakapagde-deliver pa rin siya ng panalo.
Abay napapabilib talaga ni Mang Rudy ang mga sumusubaybay sa PBL. Biruin mong pagkatapos ng starting five niya ay puro kung sinu-sino na lang ang inaasahan niya sa koponan pero hindi pa rin sila matambakan nang husto ng mga kalabang mas malalakas ang line-up.
Pero hanggang doon na lang ang Ana Freezers. Kahit paanoy mahirap talaga ang kalagayan ng tropa ni Mang Rudy. Doble ang kayod nila upang punan ang kanilang kahinaan samantalang normal lang ang laro ng kanilang katapat.
Hindi pa pormal na inihahayag ni Mang Rudy ang pagli-leave ng kanyang koponan sa PBL at maaaring bukas niya isagawa ang announcement sa Draft na gagawin sa Makati Coliseum kung saan kukuha ng mga bagong manlalaro ang ibat ibang koponan.
Kapag hindi na kumuha pa ng players ang Ana Freezers sa Draft ay kumpirmado na ang kanilang pagli-leave of absence. Siyempre, tatanungin na ng mga mamamahayag si Mang Rudy at mapipilitan na siyang sagutin ang mga ito.
Sa tutoo lang, naipamigay na nga ng Ana Freezers ang mga manlalaro nito. Limang players ang napunta sa nagbabalik na Welcoat House Paints at itoy sina Dondon Mendoza, Roland Pascual, Ronald Tubid, Paul Artadi at Robert Giron.
Ayon sa insiders, isang conference lang naman daw mawawala ang Ana Freezers. Pahiyang lang daw habang hinihintay na gumanda ang kalagayan ng kalakalan sa ating bansa.
Sa tutoo lang, ginawa naman ni Mang Rudy ang makakaya niya upang hindi sana umabot sa ganito ang lahat. Muntik na siyang makakuha ng ka-partner na siyang kakargahin nila sa liga. Subalit sa dakong huliy walang nangyari sa mungkahing tie-up ng Prudential sa Ana.
Sa ngayon ay umaasa na lang ang karamihan na one conference leave of absence nga lang ang gagawin ng Ana at gaya ng Welcoat ay magbabalik ito sa Pebrero para sa ikalawang conference ng PBL season.
Hindi nga bat nag-leave din ang Welcoat at hindi sumali sa nagdaang torneo? Ngayon ay balik-PBL ang Welcoat at nagpapalakas nang husto.
So, baka iyon din ang nasa isip ni Mang Rudy.
Baka mas malakas na Ana Freezers ang magbalik sa isang taon!