Ang tema ng opening ceremony ay "A Beautiful Meeting" na nagdidiwang din ng kauna-unahang Asian Games ng bagong milenyo.
Simula ngayong araw magiging abala ang Pambansang delegasyon sa pagsabak ng karamihang atleta sa kani-kanilang events dito sa 14th Asian Games sa malamig at bulubunduking probinsiya ng South Korea.
Siyam na gintong medalya ang nakataya para sa mga atletang Pinoy sa limang events na kanilang sasalihan sa pangunguna ng pambatong siklista na si Victor Espiritu na lalahok sa 50km Individual Time Trial.
Ang unang amateur na naging Marlboro Tour king na si Espiritu ay papadyak sa ganap na ala-una ng hapon pagkatapos ni Marites Bitbit sa womens 24km ITT.
Lulusong naman sa swimming pool ng Sajik swimming pool ang apat na Pinoy swimmers na sina Miguel Molina, Heidi Ong, Raphael Chua at Luisa Dacanay sa pang-umagang heat at umaasang makapasok sa finals ng kani-kanilang event.
Lalangoy si Molina sa 200m individual relay, si Ong sa womens 200m freestyle, si Chua sa 100m breaststroke at si Dacanay naman sa 200m butterfly.
Makikipag-eskrimahan naman si Lenita Reyes sa womens individual sabre ng fencing habang ang judoka na si Aisa Marie Ano ay makikipagtunggali sa 78kgs. ng womens judo.
Magpapakita ng lakas ang Pinay weightlifter na si Diwa Alegada sa kanyang pagbuhat sa 48kgs., ng weightlifting event sa Pukyong National University stadium.
Ngunit ang pinakaaabangan ay ang muling pagtapak ng RP-quintet sa basketball court ng Geomjong gymnasium sa kanilang pakikipagharap sa matatangkad na North Koreans sa ganap na alas-5:00 ng hapon para sa kanilang ikalawang panalo na maglalagay sa kanila bilang top team sa Group C.
Ang iba pang Pinoy na sasabak sa aksiyon ngayon ay sina rowers Jose Rodriguez, Benjamin Tolentino, Alvin Amposta at Nestor Cordova, sepak takraw players Danilo Alipan, Nisan Lejan Cal, Harrison Castanares, Charlie Magtangob, Hector Memarion at
Gedemhor Singco.