"The signs look good," pahayag ng 51-gulang na si Caliwan kahapon habang nagte-training malapit sa quarters ng RP delegation sa Athletes Village dito. "Theyre confident and they have trained long enough to be in top mental and physical shape to win again after the Hiroshima Asiad in 1994."
Ang Philippines ay nagbulsa ng tatlong ginto sa Hiroshima mula kina Onyok Velasco, Reynaldo Galido at Elias Recaido Jr. ngunit nabigong makasungkit ang mga Pinoy ng ginto sa Bangkok noong 1998.
Umaasa sina Caliwan at ang kanyang assistant na si Nolito Boy Velasco kay Violito Payla, isang 23-gulang na flyweight mula sa Cagayan de Oro City na nakakuha ng apat na gold medals sa ibat ibang international tournaments.
"Sa tingin namin, malaki ang pag-asa ni Violito na manalo dito sa Busan," wika ng dalawang coaches.
Matapos manalo ng gold sa Balado Cup sa Cuba noong nakaraang taon, inuwi nito ang tatlong sunod na gold sa Chowdry Cup sa Azerbaijan, Tammer Cup sa Finland at Acropolis Cup sa Greece sa taong ito bago magkasya lamang sa bronze sa Pyongyang International Championships sa North Korea noong nakaraang buwan.
Ang iba pang mga baguhan ay sina lightfly Harry Tanamor, bantam Ferdie Gamo, feather Roel Laguna, light middle Christopher Camat at light heavy Maraon Goles na nakakuha ng gold sa Pyongyang.
Ang dalawang veterans ay sina Sydney Olympian Romeo Brin, light welter at lightweight Anthony Igus-quiza na inaasahang magbubulsa ng medalya.