Sa Oktubre 12 hanggang 29, gagawin ang UAAP-NCAA Challenge. Sa matagal nang panahon, hindi nagkakaharap ang mga pinakamagagaling na paaralan sa basketbol dahil sila'y nasa magkabilang panig. Ngayon, sa tulong na rin ng ABS-CBN na may hawak sa prangkisa ng dalawang liga para sa telebisyon, matutupad na rin ito.
Maglalaban-laban ang Final Four ng dalawang liga: De La Salle University, University of the East, Ateneo de Manila University at University of Sto. Tomas para sa UAAP, at San Sebastian College, College of St. Benilde, Philippine Christian University at Jose Rizal University para sa NCAA. Ito ang unang pagkakataon na magkakasagupa ang mga paaralang ito, lalo na ang Green Archers at Golden Stags, na walang patid ang paghahari sa kani-kanilang liga.
At hindi lamang iyan ang mga pagbabago sa college basketball. Magkakaroon din ng UAAP All-Star Game at NCAA All-Star Game, at kayo ang pipili ng starting five ng magkabilang panig. Hinati sa tig-aapat na eskuwelahan ang dalawang liga, upang makabuo ng tigalawang All-Star Team. Sa pamamagitan ng text, maaari kayong bumoto para sa starting five ng bawat koponan. Ang coach na hihirangin ng bawat asosasyon ang siyang bubuo sa mga iba pang maglalaro.
Kasunod nito, pasisinayaan naman ang bagong ligang amateur na tinawag na Philippine National League o PNL. Ito ay binubuo ngayon ni dating MBA Commissioner Chito Loyzaga, at magsisimula sa walong koponan. Magkakaroon pa rin ito ng mga koponan mula sa mga lalawigan, subalit halos lahat ng laro ay gagawin sa Metro Manila.
Kabuntot nito ang Colleges and Universities Basketball Challenge Cup, na ideya naman ni UAAP Commissioner Joe Lipa. Ito ay bubuuin ng labing-anim na pinakamahuhusay na pangkolehiyong koponan sa buong bansa. Dalawa ay magmumula sa UAAP, dalawa sa NCAA, at isang "wild card" entry. Ang iba'y magmumula sa bawat sulok ng Pilipinas. Ito'y tatakbo ng dalawang linggo sa Nobyembre.
At huwag nating kalimutan ang pagbubukas ng Philippine Basketball League at PBA All-Filipino Conference.
Hindi talaga tayo mahilig sa basketbol, ano?