40 aspirants sa PBL Rookie draft

May kabuuang 40 aspirante ang unang nagpatala ng kani-kanilang application kung saan itinakda ang huling araw ng patalaan para sa 2002 PBL Rookie Draft sa September 27, alas-5 ng hapon sa PBL office.

Mula sa initial batch ng aplikante, target ng Philippine Basketball League na muling makahanap ng panibagong talento para sa nalalapit na PBL 2nd Conference na pansamantalang itinakda sa November.

Kabilang sa mga promising talents ay sina PBL Juniors protege Hakim Gandarosa ng Adamson University, 6’5 slotman Mark Isip at Dennis Miranda ng Far Eastern University, 6’5 sentro Dave Arce Salonga at 6’3 Paul Neal Papa ng UST, Marco Polo Fajardo ng Letran, Rommel Luna at 6’3 stalwart Mark Abadia ng Adamson, isa sa promising collegiate superstars sa UAAP.

Kasama rin sa listahan ang dalawang Fil-Canadians na mayroong magandang kredensiyal sina 6’1 Michael Tablan, two-time MVP ng Centennial College at 5’10 pointguard Joseph Do-minguez ng University of Winnipeg.

Ang iba pang inaasahang mapipili ay sina Mark Moreno ng West Negros College na lumalaro sa Hapee-Cebu, Rowie Casipi ng JRU, Anthony Urbano ng NU at 6’3 Roel Capati at 6’2 Reinell Catabay ng Adamson.

Ang mga aspiring rookies ay maaari pang pumirma ng forms sa PBL office, Makati Coliseum, 31 Mascardo St., La Paz Village, Makati City.

Show comments