Reyes, Amit, kampeon sa 8-ball

Napagwagian ni Efren ‘Bata’ Reyes ang men’s crown, habang si Rubilen Amit ang siya namang sumungkit ng women’s title sa 1st Asian 8-Ball Championships nang dominahin ng mga Pilipino ang inagurasyon ng pocket billiards meet.

Ginapi ni Reyes ang kababayang si Antonio Lining, 8-6 sa finals noong Linggo upang magbulsa ng $8,000 first prize at title na ‘Grand Champion.’ Tinalo naman ni Amit, isa sa Philippines’ top women pool players ang hometown bet na si Amy Hoe Shu Wah, 6-3 at pagtagumpayan ang ladies finals at $4,000 top prize.

Ang nasabing tournament ay ginanap sa Singapore’s Pool Haven sa Clark Quay kung saan ayon sa Singapore Straits Times ay punong-puno ng Singaporean fans na humangos sa finals upang masilayan si Reyes, tinaguriang ‘The Magician’ na sumasabak sa aksiyon.

Ang iba pang Pinoy na lahok ay sina Warren Kiamco, Le Vann Corteza, Sheila dela Cruz, Iris Rañola at Johanna Lee.

Lumahok din ang Malaysian at Indonesian players sa nasabing tournament.

Show comments