Marami pa rin kasing lumalabas na usap-usapan hinggil kay Lang. Kesyo hindi naman daw tutoong injured ito at umaarte lang daw sa Game-Three kung saan natalo ang Thunder sa Phone Pals, 80-71. Hindi niya natapos ang larong iyon at pinalitan siya ni Nelson Asaytono mahigit pang dalawang minuto ang nalalabi.
Matapos ang pagkatalong iyon ay inabot ng madaling araw ang coaching staff at management ng Red Bull sa deliberations na ginanap sa Cafe Provencal sa Megamall. At doon nga ay napagdesisyunan nila na palitan si Lang.
Siyempre, hindi naman nakakagulat na palitan si Lang kung injured siya. Pero hindi inilagay ng Red Bull sa injured list si Lang, eh. Puwede sanang gawin nila ito habang naglalaro ang kapalit niya para kung sakaling magaling na siya ay makabalik pa sa line-up.
Kumbagay tinanggal lang talaga si Lang injured man siya o hindi!
Katunayan, nang malaman ni Lang na papalitan na siya ay nakiusap siyat nangako na lalaro nang matindi kahit na may kapansanan. Pero buo na ang desisyon ng pamunuan at coaching staff ng Red Bull.
Ewan ko ba.
Naalala ko, noong isang taon ay muntik na ring masibak si Lang matapos na magtala ito ng isang puntos sa isang laro sa Finals ng Commissioner s Cup kontra sa San Miguel Beer. Nakakaduda talaga na ang isang import ay malimita nang ganito. Kahit paano, kung hindi pumapasok ang outside shot ng isang import ay sasalaksak na lang ito upang makakuha ng fouls at makakuha ng puntos sa free throw line. Pero hindi nga iyon ang nangyari.
Hindi natin sinasabing may kaaliwaswasang ginagawa si Lang. Ang balita natin ay ganoon talaga ang ugali ni Lang. Mayroon siyang reputasyon na kapag ginusto niyang maglaro ay kakayod siya nang husto. Pero kapag tinamad siya, wala nang magagawa ang kanyang coach para ma-motivate siya.
Heto pa ang narinig natin noong isang linggo. Matapos na masibak si Lang ay kinausap niya ang isang broadcaster at sinabing kaya natatalo ang kanyang koponan ay dahil sa may mga sugarol sa kanyang team.
Aba! May gana pa siyang siraan ang kanyang koponan?
At nang tanungin siya ng isang opisyales ng koponan kung tutoong sinabi niya ito sa isang broadcaster ay deny to death siya.
Mabuti na nga na nasibak si Lang.
Problema pala siya at hindi isang asset.