Upang makasiguro na masungkit ang korona ng PBL-CBF Dual Meet na nakatakdang magbukas sa Setyembre 16 sa Makati Coliseum, humugot rin ang Raul Panlilio-Ricky See co-owned franchise ng bagong guro sa katauhan ni Jing Ruiz.
Si Ruiz ang siyang mentor ng Letran juniors na sumungkit ng kampeonato sa junior division ng NCAA ang babalikat sa nasabing koponan.
Kasama ni Ruiz na tumalon sa Shark ang three-point shooters na sina Mark Magsumbol at Nani Epondulan, power forward Nelbert Omolon at dating Blu defense man Francis Sanz upang magbigay ng malaking suporta kina Warren Ybañez, Ismael Junio, Rysal Castro, Gerald Ortega, Irvin Sotto, Rolly Basilides at ilang manlalaro na hindi muna binanggit ang pangalan na inaasahang magbibigay ng malaking sorpresa sa kanilang grupo na kinabibilangan ng Hapee Toothpaste-Cebu, Skygo Riders at John-O.
Unang makakaliskisan ang tikas ng Cheeseball-Power Booster sa kanilang paghaharap ng Skygo Riders sa Sept. 16 sa alas-3 ng hapon.
Ang iba pang grupo ay kinabibilangan ng Blu All Purpose, Casino Rubbing Alcohol, Montana Jewels at General Milling Corporation. (Ulat ni Maribeth Repizo)