Para sa Jose Rizal University, na halos kalahati ay rookie, may mga matututunan ang mga tulad ng University of Perpetual Help at San Beda, na marami ring baguhan. Una sa lahat, nakakalusot ang Bombers sa paggamit ng maliit na frontline. Ito ay dala ng sipag nila sa depensa at bilis ng kanilang reaksyon sa rebound. Bagamat nahirapan sila sa simula ng torneo, ipinagdiinan nila ang tulungan, kaya't naunahan nila ang ibang koponang mas may talento kaysa sa kanila. Mahigpit sa disiplina si Coach Boy de Vera, at mabilis namang nasuklian ng tagumpay.
Kung College of St. Benilde naman ang pag-uusapan, kahit natisod sila ng mga huli nilang laban, maganda ang sistema ni Coach Dong Vergeire. Para ngang dalawa ang mukha ng Blazers. Ang starting five nila ay sistematiko sa pag-ikot ng bola, na siyang ikinalilito ng depensa. Samantala, pag pumasok naman ang kanilang scoring machine na si Sunday Salvacion, bumibilis ang kanilang takbo. Ang napipipilitang makipagsabayan o makipagbarilan sa kanila madalas ay nababaon.
Ang San Sebastian ay matagal nang matatag. Ang kasalukuyang kampeon ay may masasandalang point guard sa katauhan ni Christian Coronel. Ang susi sa kanilang tagumpay ay ang pagpigil ni Coronel sa kanyang pagnanasang umiskor upang paikutin ang bola sa kanyang mga kakampi. At bagamat nakaranas ng sari-saring injury ang Stags, malalim ang kanilang bangko, kaya hindi naging abala ito sa kanila. Sa pangkalahatan, gamay na ng manlalaro ng SSC ang isa't isa, at ito ang ugat ng patuloy nilang pag-angat.
Sa Philippine Christian University naman, marami silang sandata sa opensa.
Pero ang ikinalalambot ng tuhod ng marami nilang kalaban ay ang pisikal nilang depensa. Hango ito sa panahon pa ni Jimmy Mariano, na sumikat noong dekada '60 at '70. Parang boksing. Sa paunti-unti subalit paulit-ulit na pagkanti at pagbangga sa mga kalaban, nauubos ang lakas ng mga ito. Tila hirap ang mga ibang koponan salungatin ang estilong ito.
Kung susuriin, kanya-kanya talagang plano para dumating sa tuktok ng NCAA.
Panahon na lamang ang makapagsasabi kung kaninong plano ang magiging pinaka-epektibo.