Hapee-Cebu dapat katakutan

Kung mayroon mang Cebu squad na kinakatatukan ng mga PBL teams sa nalalapit na PBL-CBF Dual Meet, ito ay ang Hapee Toothpaste Cebu.

Ito’y sa dahilang ipaparada ng Jack Huang-owned Cebu franchise ang ilang hardworking veterans sa pangunguna ng dating MBA stars na sina Reynell Hugnatan, Peter Jun Simon at Patrick Benedicto at ang ilang hinasa ng PBL mainstays na sina Reuben dela Rosa, Maui Huelar, Leody Garcia, Odelon Oga at Rommel David.

At para kay coach Jun Noel, ang maisubi ang korona ng PBL-CBF Dual Meet na nakatakda sa Setyembre 16-23 ang siyang kukumpleto sa tatlong Philippine island groups matapos na masungkit ang CBF Carmen Cup sa Cebu at ang Cagayan de Oro Invitational crown sa Mindanao kamakailan lamang.

Ang iba pang kukumpleto sa koponan ay sina dating Blu Detergent King Joel Bona, Reed Juntilla at Jeric Arano.

"It’s a big dream actually but a very tough task knowing how experienced PBL teams are," pahayag naman ni Hapee coach Noel.

"But with hardwork and determination, I believe it’s possible. It’s a challenge for the boys. They’ve won in Cebu and Mindanao, and to win a Manila crown would be a big feat for us," dagdag pa niya.

Ang Hapee Toothpaste Cebu ang isa sa apat na Cebu teams na mapapasabak sa apat ring PBL teams sa nasabing event. Ang tatlong iba pa ay ang General Milling Corporation, Metro Skygo Forwarders at Casino Rubbing Alcohol--na isa sa long-time crowd-drawing teams sa PBL.

Ang apat na PBL teams na magtatangka para sa korona ay ang Blue Detergent, Montana Pawnshop, John-O at Shark Energy Drink.

Dahil sa hindi puwedeng gamitin ang Pasig Sports Center na kasalukuyang ginagawa, ang unang dalawang laro sa September 16 at 17 ay gaganapin sa Makati Coliseum.

Show comments