Imagine na lamang na ang US, ay isa sa kinikilalang higante sa larong basketball, ay tinalo ng Argentina at kasunod ng Yugoslavia para malaglag sa medal contention.
Isa lang ang kahulugan nito.
Mas maraming bansa na rin ang handa na para maagaw ang supremidad ng basketball sa US.
At kabilang dito ang Yugoslavia na siyang nagkampeon, Argentina at maging ang Germany.
Sa malaon at madali, baka maging sa Olympics eh matanggalan na rin ng korona ang US.
Oo ngat hindi Dream Team ng US ang ipinadala dito sa World Basketball, eh hindi yata katuwiran ng natatalong bansa ang mga ganitong alibi.
At ngayon, malaking babala sa Pinas ito.
Kasi simula nang maagaw ng China ang supremidad sa Asya, lalong lumalim ang kanilang paghahanda, na hudyat lamang na hindi nila bibitiwan ang koronang ito sa Asian Games.
Ang China at Lebanon ay kapwa may world championship experience bago sila lalahok sa Asian Games, samantalang ang Nationals eh pawang dito lamang sa bansa lumaro (bukod ang kanilang Italy trip) at nakipag-tune-up sa batang team ng Chinese-Taipei, Melbourne Tigers at ang huli ay sa Qatar (na kasali din sa Asiad) sa September 22 at 23 bago lumipad patungong Busan.
Sa ganang akin, eh kulang ang mga preparasyong ito para makamit natin ang mailap na gintong medalya at ang pag-agaw sa supremidad sa kamay ng China.
Gayunpaman, kabilang ako sa magdarasal para sa ating National Team na makamit ang kanilang mithiin.
At sakaling hindi man ngayon, siguro mas dapat nating pagbuhusan ng isip kung papaano natin mapapalakas ang basketball natin internationally.
Hindi sapat ang isang ambisyon kung hindi mo pag-uukulan ng panahon at higit sa lahat preparasyon.
Maging aral sana sa atin na ang US team sa World Championship ay nagkasama lamang at nakapag-ensayo ng ilang linggo at hindi ito naging sapat.
Hindi rin sapat ang pagiging professional player kung kulang naman sa ensayo.
Hindi rin sapat ang mga mahuhusay na Fil-Ams sa National Team kung kulang naman ang pagsasama-sama para sa ensayo.
Mas dapat na ngayon pa lamang eh bumubuo na ng programa ang Basketball Association of the Philippines para mapaghandaan ang mga darating na international competition.
Huwag na nating iasa sa kamay ng iba ang National Team.
O, ano pang hinihintay nyo, simulan nyo na!