Nakatakdang ihain nina Iggy Yenko, ang governor ng Talk N Text at ang kanilang alternate governor na si Debbie Tan ang kanilang letter or resignation sa Board sa di pa nababatid na kadahilanan.
Habang naghahanda ang Phone Pals sa kanilang pakikipag-giyera sa Thunder ngayong alas-7:30 ng gabi para sa Game-One ng kanilang best-of-seven championship series, kahapon, ipinahanda din nina Tan at Yenko ang kanilang resignation sa board.
Ngunit inaasahang magiging mainit na bakbakan ang magaganap ngayon sa pagitan ng Phone Pals at Red Bull ngayong gabi.
Ang Talk N Text ay naghahangad maisukbit ang kanilang kauna-una-hang titulo sapul nang pumasok ito sa PBA noong 1996 habang ika-lawang sunod na korona sa ikalawang sunod na finals stint ang pakay ng Thunder.
Ito pa lamang ang unang pagkakataong nakatuntong sa kampeonato si coach Bill Bayno ng Talk N Text samantalang nasa ikaanim na finals appearance na si Red Bull coach Yeng Guiao na unang nakati-kim ng dalawang kampeonato sa Swift Mighty Meaties.
Nakasalalay sa mga kamay nina imports Tony Lang, Julius Nwosu at ang Fil-Am na si Davonn Harp ang kapalaran ng Thunder habang sina Pete Mickael at Jerald Honneycutt naman ang inaasahan sa Phone Pals dagdag pa ang puwersa na ibibigay ng mga locals.
Naisaayos ng Phone Pals at Thunder ang kanilang titular showdown matapos dispatsahin sa kani-kanilang laban sa best-of-five semifinal series sa 3-2 at 3-1 panalo-talo ayon sa pagkakasunod.
Dahil dito, maghaharap sa unang laro ang SMB at Aces sa dakong alas-5:30 ng hapon para sa kanilang knock-out game kung saan nakataya ang third place trophy. (Ulat ni Carmela Ochoa)