Ang mga sumusunod ang hindi muna pasasalihin sa Olympics Games: roller sports, polo, surfing, bridge (laro ng baraha), chess, air sports, billiards, boules, dance sport, bowling, racquetball, water ski, squash at underwater sports.
Ang pinakamasakit para sa Pilipinas ay ang pagbasura sa billiards, bowling, chess at dance sport. Ibig sabihin nito, matagal pa ang hihintayin natin bago natin makamit ang isang Olympic medal sa mga larangang iyon, kung saan likas tayong malakas.
Ano ba ang problema?
Sa ngayon, nahihirapan na ang mga nag-oorganisa ng Olympic Games sa dami ng sport na kanilang hinahawakan. Nasa 28 na lamang ang kanilang pananatiliin, at kung may madagdag man, ito ay ibang event ng kasalukuyang sport. Kung may papasok sa bagong sport, may tatanggaling iba. Iyon ang patakaran.
Napakabigat kasing pagsama-samahin sa isang lugar ang Olympic Games.
Subalit, kung pupunahin natin, 40% ng Olympiyada ay athletics, at halos 20% ay swimming. Kaya nagkakasikipan ang ibang sport na makapasok. Dati, hinahayaan din ang host country na mamili ng ibang sport na ayaw nilang isali.
Karaniwan, inaabot ng dalawang dekada ang bagong sport na tawirin ang pagiging exhibition sport at demonstration sport hanggang sa maging medal sport ito. Halimbawa na lamang ang bowling, na noong 1988 pa unang nagpakita, subalit, hanggang ngayon, ay hindi pa nakakapasok.
Noon, nililigawan lamang ang halos 200 IOC member delegates para makalikom ng sapat na boto sa antas ng Executive Board. Ngayon, nagsisilipan na ang mga kapwa miyembro, dahil sa mga iskandalong nangyari sa Utah at Sydney.
Ang magandang balita lamang para sa Pilipinas ay pag-aaralan pa ng IOC ang aplikasyon ng Wushu. Pag-uusapang muli ang mga isport na nabanggit sa ika-114 IOC Session sa Mexico sa Nobyembre. Magdasal tayo na may pambato tayo sa mga sport na maaaring ipasok.