Nakatakdang magharap ang Aces at Express sa ganap na alas-6:30 ng gabi sa Phil-Sports Arena upang paglabanan ang karapatang harapin ang Talk N Text Phone Pals sa best-of-five semis series.
Hindi na sana kinailangan pa ng Aces ang kanilang nakuhang twice-to-beat advantage na ipinagkaloob sa top four teams pagkatapos ng eliminations ngunit kinapos ang kanilang isinagawang pagrarally na nagkaloob sa Express ng 79-76 tagumpay.
Matapos umahon sa 16 puntos na pagkakahuli, naidikit ng Aces ang iskor sa 72-73 ngunit ang kabayanihan ni Vergel Meneses ang nagpreserba ng panalo ng FedEx upang ipuwersa ang sudden death match na ito.
Inaasahang muling gagana ang maiinit na kamay ni Jermaine Walker gayundin ng kay Frantz Pierre-Louis upang makumpleto ang dalawang panalong kailangan upang dispatsahin ang Aces.
Kinumpleto ng Talk N Text ang dalawang panalong kailangan sa dalawang magkasunod na araw para patalsikin sa kontensiyon ang Sta. Lucia Realty.
Hinihintay na lamang nila ang makakalaban sa pagitan ng FedEx at Alaska sa semifinals na magsisimula sa Biyernes sa pagbabalik ng PBA game day tuwing Miyerkules, Biyernes at Linggo.
Sa isa pang semis match-up, magsasagupa naman ang defending champion Batang Red Bull at San Miguel Beer sa rematch ng kanilang 2001 Commissioners Cup finals showdown na pinagwagian ng Thunder, 4-2.
Nakatutok naman ang depensa ng FedEx kina Ajani Williams at Chris Carawell ngunit inaasahang aangat naman sina Don Carlos Allado, EJ Feihl, John Arigo at Rodney Santos para sa Aces.
"We have to play four quarters of basketball. We cant just play well for three periods and then collapse in the fourth. Thats one thing I told the boys that we have to prepare for," ani FedEx coach Derrick Pumaren.
Bukod kay Walkers at Pierre-Louis, naririyan naman sina Jerry Codi-ñera, Dindo Pumaren at ang mga promising rookie players na sina Renren Ritualo at Yancy de Ocampo. (Ulat ni CV Ochoa)