Mangunguna ang pinagsanib na Asian Games Task Force ng Philippine Sports Commission (PSC) at Philippine Olympic Committee sa partisipasyon ng mga school leagues kung saan puspusan na ang kanilang ginagawang kampanya para sa paglahok ng bansa sa September 29-October 14 Games sa Busan South Korea.
Nagtakda ang Task Force sa kanilang partnership sa Samsung Electronics Phils., ng Pep Rally at Cheering Competition sa Sept. 13 sa PSC-PhilSports Multi-Purpose Arena (dating Ultra).
May nakatayang P100,000 premyo at Samsung appliances ang ipagkakaloob sa mananalong paaralan sa cheering competition, habang ang first at second runners-up ay tatanggap naman ng P75,000 at P50,000, ayon sa pagkakasunod at Samsung appliances.
Nagkumpirma ng kani-kanilang paglahok ang cheering squad mula sa De La Salle, College of St. Benilde, Adamson, Ateneo, Lyceum, Colegio de San Agustin, Centro Escolar University, University of Santo Tomas at University of Perpetual Help.
Kabilang din sa mga kalahok ang San Sebastian College, Far Eastern University, St. Scholasticas College, University of the Philippines, University of the East, Jose Rizal University, San Beda at Colegio de San Juan de Letran.