Ang tagumpay ng Espanya-based dribblers ay nag-angat sa kanila sa ikatlong puwesto sa overall standing sa likod ng lider na defending champion De La Salle na may 8-0 win-loss slate at University of the East na nagtataglay naman ng 6-2 kartada.
Sumandig ang Tigers sa matatag na pulso ni Christian Luanzon nang kumana ito ng three-point play na siya niyang natatanging produksiyon sa laro mula sa foul ni Froilan Baguion sa huling limang segundo ng laro upang ipalasap sa Bulldogs ang kanilang ika-walong dikit na pagkatalo na lalo pang nagbaon sa kanila sa ilalim ng standings.
Tinanggap ni Luanzon ang pasa mula kay Alwyn Espiritu kung saan kanyang nalusutan ang depensa ni Baguion at sa pagsisikap na mapigilan ang una, natawagan siya ng ikalimang foul na dahilan ng pagkakatlasik sa laro ng defender ng Bulldogs.
Kumana si Espiritu ng 20-puntos upang pamunuan ang Tigers, habang nagdagdag naman sina Cyrus Baguio at Nino Gelig ng 16 at 10-puntos, ayon sa pagkakasunod.
Abante ang Tigers sa 66-57, mula sa jumper ni Gelig papasok ng final canto, subalit hindi agad napasuko ang tinaguriang whipping boys ng tournament nang pangunahan ni Jeff Napa ang 15-6 bomba na siyang nagtabla ng iskor sa 72-all.
Nagawa pang maagaw ng Bulldogs ang trangko nang kumayod sina Bryan Tolentino at Alfie Grijaldo sa 78-76, may 39 segundo pa ang nalalabi sa tikada. (Ulat ni Maribeth Repizo)