Sa ginaganap na puwestuhan para sa prangkisa ng PBA para sa telebisyon, nagmumukhang nagkaroon na ng kasunduan ang National Broadcasting Network (NBN) at Intercontinental Broadcasting Corporation o IBC. Gaya ng nailathala na rito, malabong makuha ng ABS-CBN, ABC at RPN ang PBA, samantalang kusang umatras na ang GMA.
Naiwan na lamang ang dalawang naunang nabanggit na network at ang mga independent producers.
Sa nakalap na impormasyon ng Pilipino Star Ng-yon, magsasanib ng puwersa ang NBN 4 at IBC-13 para ihatid sa ating mga kababayan ang PBA. Nauna rito'y naka-pagsumite ng kanya-kanyang bid ang dala-wa. Subalit hindi naman magandang tignan na maglaban sila, dahil kapwa pera ng bayan ang kanilang ginagamit.
Maaaring ganito ang mangyari: magsasama ang dalawang himpilan upang isara ang pinto sa mga independent producers na walang sariling network, tulad ng Viva-Vintage, Silverstar at ilan pa. Kung hindi nila bibigyan ng airtime ang mga nabanggit, balewalang makuha ng mga maliliit na grupong ito ang PBA dahil wala silang paglalagyan.
Paghahatian naman ng IBC at NBN ang pagsasahimpapawid ng mga laro. Puwedeng tuwing Martes at Huwebes sa isang network at tuwing weekend naman sa kabila, kung papayag ang PBA. Nasa sa PBA rin kung papatol ito sa presyong iaalok ng pinagsanib na "consortium."
Matatandaang sinubukan na ito dati ni Ted Turner, ang bilyonaryong nagtatag ng CNN. Inimbestigahan pa si Turner ng US Federal Government, dahil hindi sila sigurado kung lalabag ito sa anti-monopoly laws ng kanilang bansa. Sumunod rito'y nasubukan na rin ng mga brodkaster sa Amerika ang pagsasama ng lakas para sa Olympic Games, pero mahina ang naging tugon ng mga manonood.
Consortium ba ang sagot sa pagkuha sa PBA? Hindi pa napatutunayan kung dodoble o mahahati ang mga manonood, na siyang inaabangan ng mga magpapatalastas sa PBA sa TV. Kailangang mapatunayan ng IBC at NBN (kung magsasama man sila) na malaking pagsulong ang matatamo ng PBA. Nasaktan ang liga ng pabago-bagong schedule ng mga laro ngayong taon. Di kaya malito pa rin ang tao kung sa dalawang channel nila itong mapapanood?
Sa kabilang dako naman, wala na talagang ibang may kakayahang ilabas ang PBA sa telebisyon kundi ang mga government network. Kung susuriin natin, mas madali nang dumirekta ang PBA sa isang network, kaysa dumaan pa sa mamamagitang prodyuser.
Makikita natin sa mga susunod na araw ang magiging anyo nitong "consortium" na ito.