Ang panalo ay nagkaloob sa multi-titled Filipino sports idol ng $50,000. Ito ang ikalawang tournament na nagpagwagian ng superstars ng Puyat Sports tandem nina Reyes at Francisco Django Bustamante sa international pro billiards circuit ngayong buwan.
Nauna rito, nagwagi si Bustamante ng titulo at tumapos naman si Reyes ng ikalima sa Peninsula 9-Ball Open sa Virginia.
Tinalo ni Reyes si Hsiaolang Fang ng Chinese Taipei, 5-4 at ginapi ni Immonen si Steve Knight ng England sa semifinals upang itakda ang kanilang final showdown sa pagitan ng dalawang dating world pool (Cardiff) champions. Pinaglabanan nila ang prestihiyosong titulo at $50,000 prize sa isang laban sa ilalim ng unique format--best-of-3 race-to-5s.
Nakauna si Immonen ng kanyang kunin ang unang race-to-5 match sa iskor na 5-3. Pero bumawi si Reyes sa ikalawa sa iskor na 5-4, upang itabla ang iskor sa 1-1 at ang dalawa ay mahigpit na naglaban sa one-rack playoff.
Nanalo si Immonen sa lag at naibulsa ang dalawang bola sa kanyang break kung saan sumabog ang iba pang bola. Ngunit matapos na maipasok ang 1, 2 at 3, siya mismo ang gumawa ng kanyang kamalian nang mahirapan siya sa kanyang inaasintang No. 4 na bola.
Sinamantala ni Reyes ang pagkakataon at siya naman ang naglinis ng lamesa upang tuluyan ng isara ang kanilang championships.
Tutungo ngayon sina Reyes at Bustamante sa Nevada upang sumabak sa Las Vegas International 9-Ball tournament sa Agosto 18-23 at babalik sa Manila upang hintayin naman ang kanilang paglipad patu-ngong Busan, Korea para makipagsapalaran sa Asian Games.
Kapwa tinalikuran ng dalawa ang paglahok sa US Open 9-Ball Championship sa Virginia sa susunod na buwan upang makasama lamang sa RP delegation sa nasabing quadrennial meet at makapagbigay ng karangalan sa bansa.